TV

Glaiza De Castro, masaya sa simpleng pamumuhay sa Baler

By Maine Aquino

Masaya si Glaiza De Castro sa kanyang simpleng buhay ngayon sa Baler, Aurora.

Ibinahagi ni Glaiza ang kanyang buhay probinsya sa episode ng Sarap, 'Di Ba? Bahay Edition nitong September 26.


Kuwento ni Glaiza, simple ang kanilang pamumuhay ngayon sa Baler. Saad pa niya ay sanay ang kanyang pamilya sa ganitong klaseng buhay dahil ganito ang kanilang nakalakihan.

"Parang bumalik ako sa nakaraan. Sa totoo lang parang naalala ko 'yung kabataan ko noong simple lang din 'yung pamumuhay namin sa Valenzuela. Nagpupunta kami sa ilog, nagpupunta kami sa bukid tuwing hapon. Parang naging ganon 'yung buhay namin dito ngayon. Balik sa basic."

Isa pang bagay na ipinagpapasalamat ng Kapuso star ay ang fresh air at magandang tanawin.

"Nakakatuwa lang dito kasi talagang nakakagalaw kami, fresh air, madami kang puno na nakikita."

Ngayong quarantine period, marami umanong natutunan si Glaiza.

Saad ng aktres, "Mas naging interesado ako na magluto, mas nakakapag-workout ako ng regular. Kung gaano ako naging ka-busy sa Manila na halos araw-araw wala ako sa bahay, nakita ko 'yung importance nung kapag nasa bahay ka at kasama mo 'yung pamilya mo. Ang sarap rin ng pakiramdam na kasama mo silang kumain, makakakuwentuhan mo sila."

Masaya rin si Glaiza na nakikita niyang masaya ang kanyang mga magulang sa kanilang buhay probinsya.

"Sa mga normal na gawain makikita mo rin silang nage-enjoy sa ginagawa nila lalo na 'yung magulang ko rin. At least si tatay dito naaalagaan niya rin 'tong mga halaman."

Dugtong pa ni Glaiza, "Nakakatuwa kasi hindi naging mahirap yung transition talaga kasi ever since naman lumaki kami sa ganitong pamumuhay, sa simple lang."

Panoorin ang buhay probinsya ni Glaiza sa Sarap, 'Di Ba? Bahay Edition

ALSO READ:

'Sleepless' director Prime Cruz on working with Glaiza de Castro, Dominic Roco: "They're the best"

Boyfriend ni Glaiza De Castro na si David Rainey, nag-aaral magsalita ng Filipino