TV

Pepito Manaloto girls, nagbahagi ng mga sikreto at ng paboritong pagkain sa Sarap Diva


Noong Sabado, nagkaroon ng espesyal na bisita ang ating cooking diva na si Ms. Regine Velasquez. Dumating ang cast ng Pepito Manaloto na sina Manilyn Reynes, Janna Dominguez, at Mosang para ipagluto si Regine ng ilan sa kanilang mga paboritong pagkain.

Lingid sa kaalaman ng lahat, matalik na magkakaibigan sina Manilyn, Janna, at Mosang. Dahil sa tagal ng kanilang pinagsamahan, nakasanayan na umano nilang magkaroon ng mga kainan sa set ng Pepito Manaloto at si Mosang ang punong-abala sa kanilang munting handaan.

“Lahat kami, mahilig kasi kaming kumain. Ang bonding talaga namin ay pagkain. Tignan mo naman lumaki mga katawan namin,” natatawang pahayag ni Mosang.

Para sa araw na iyon, naghanda si Mosang ng Sizzling Balut na kanya umanong natutunan mula sa kanyang kaibigan. Si Janna naman ay naghanda ng liempo with a twist. Isa itong traditional na liempo na sinamahan ng espesyal na ensalada.

Sa episode rin na iyon ay nagbahagi sila ng kani-kanilang mga sikreto. Ayon kay Janna, takot si Manilyn sa butiki. Aniya, kahit marinig niya lamang ang salitang ito ay napapasigaw na si Manilyn.

“Noong bata kasi ako, nag-away sa likod ko [ang mga butiki],” kuwento ni Manilyn.

Si Janna naman ay takot umano sa Undin, isang creature na ipinasikat noon ng pelikulang Shake, Rattle and Roll.

Si Mosang naman ay nagbahagi tungkol sa kanyang 10-year relationship sa isang business analyst. Pahayag ni Mosang, palipat lipat ng location ang kanyang boyfriend. “Minsan nasa Australia siya, minsan nasa Saudi”.

Inalam naman ni Regine kung ano ang karaniwan nilang pinag-uusapan lalo na’t sampung taon na ang kanilang relasyon. “Since 10 years na kami, noong ika-10th naubusan na kami [ng pinag-uusapan],” pabirong kuwento ni Mosang.

Bago pa man sila nagsimula sa pagtikim ng masasarap na inihanda ng Pepito Manaloto girls, bumisita ang ‘You’re My Foreignoy’ winner na si Gui Adorno para makipagkwentuhan at makisalo sa kainan. Kasunod nito, ay naghandog si Gui ng kantang ‘Nandito Ako’ at sinundan naman nina Regine at Manilyn ng kantang ‘Pangako’.

Abangan tuwing Sabado ang iba pang nakakatakam na recipe at masayang kwentuhan at kantahan sa Sarap Diva kasama si Ms. Regine Velasquez.

-Text by Maine Aquino, GMANetwork.com