TV

Regine Velasquez at Dennis Trillo, nagkape at nagkuwentuhan sa Davao



Sa pamamasyal ni Regine Velasquez sa Davao, nakausap niya over a cup of Durian Macchiato ang Kapuso actor na si Dennis Trillo. Ang Durian Macchiato na inihanda ng chief barista na si Lovely ay specialty ng Java Jive Coffee Shop na matatagpuan sa Davao City.

After 3 years, ngayon lamang umano nakabalik si Regine habang si Dennis naman ay suki sa Davao dahil sa kanyang mga regional shows.

Dahil maugong pa rin ang titulong ‘My Husband’s Lover’, inalam ng Asia’s Songbird kung ano ang kanyang pakiramdam ukol rito. “Nagbago talaga yung buhay namin pagkatapos ng show na 'yun. At nagbukas siya ng pinto sa mga ideas ng mga bagong kuwento for shows,” kuwento ni Dennis.

Tulad naman ng iba, natuwa si Regine sa kuwento ng My Husband’s Lover. “Medyo maraming natuwa doon. Kasi ' yung iba, nagladlad na. Maraming nakarelate,” saad niya.

Aminado ang ating cooking diva na addict siya sa photo sharing app na Instagram, ganoon din ang kanyang bisitang si Dennis. Kuwento ni Dennis, nabawasan na ang kanyang ma bashers simula ng ipalabas ang My Husband’s Lover. “Bihira, nakakatuwa na bihira. Siguro dati medyo marami pero noong lumabas yung My Husband’s Lover, parang nabawasan. Mas marami nang nagtatanggol sa akin,” kuwento niya.

Bukod sa tagumpay na nakuha ni Dennis sa My Husband’s Lover, naparangalan rin siya sa 30th PMPC Star Awards bilang Dekada Awardee. Pahayag ni Dennis, “Pakiramdam ko lang sobrang suwerte ko, katulad nung nasa stage kasama ang mga iniidolo kong mga artista. Ang laking karangalan noon na mapabilang doon, na kasama mo sila sa stage. Sarap lang ng pakiramdam.”

Gaya ng nakararami, si Regine ay naniniwala na si Dennis ay isa sa mga finest actors of this generation. “Mabigat 'yun, nakakatuwa lang na napapansin nila lahat ng pinaghirapan naming mga artista. Lahat nung mga paghihirap at pagpupuyat,” tugon ng aktor.

Siyempre pa, hindi papalampasin ng Asia's Songbird na pag-usapan ang love life ng aktor. Para kay Dennis, masaya siya na single. “Effective sa akin 'yung single ako ngayon e. So siguro patatagalin ko muna 'to kung saan pa aabutin. Walang pressure, enjoy lang”.

Dahil nga single ang aktor, inalam ni Regine kung anong qualities ng kanyang ideal girl.

“Gusto ko may sense of humor, 'yung patatawanin ako. Tapos 'yung madaling makisama kahit kanino, 'yung cowboy ba? Hindi maarte,” pagtatapos ni Dennis.

Para sa kuwento ni Dennis tungkol sa kanyang ideal girl, i-click ang link na ito: Ano ang tipo ni Dennis Trillo

Patuloy na subaybayan ang masasarap na kainan at kuwentuhan kasama si Regine Velasquez sa Sarap Diva.

-Text by Maine Aquino, GMANetwork.com