TV

Regine Velasquez, tumikim ng crocodile dish sa Davao


Pagkatapos mamili nina Regine Velasquez at Inday sa Bankerohan Public Market na matatagpuan sa Davao, dumiretso naman sila sa kanilang next destination. Sa Davao Crocodile Park, sinamahan sila sa pamamasyal ng kanilang resident tour guide na si Hazel.

Lingid sa kaalaman ng lahat ay may iba’t-ibang animals pang makikita rito, pero ang pinaka-bida sa lahat ay ang mga buwaya. Sa side ng mga breeder crocodiles, nagbahagi si Hazel ng impormasyan patungkol sa mga buwaya.

“Naka-open 'yung mouth kasi ang tawag diyan ay thermoregulation. Nagri-release po sila ng heat. Wala po kasi silang sweat glands. Hindi po sila gumagalaw, behavior po kasi nila 'yun. Since they are nocturnal, aggressive sila during night time,” kuwento ni Hazel.

Dahil nga takot si Inday sa mga buwaya, biniro niya si Regine patungkol rito. “Feeling ko pag hinampas ka ng buntot niyan, layo ng lipad mo dun noh?”

“Hihintayin mo pa bang hampasin ka ng buntot?,” natatawang sagot ni Regine.

Ipinakita rin ni Hazel ang mga ibon, tigers, at ibang animals na matatagpuan sa park kasama na rin ang albino Burmese python na si Lucy.

Ipinagluto naman ni Chef Bianca Dizon sina Regine, Inday, at ang kanilang bisitang si Joey Ayala ng crocodile sisig. Ito ay traditional na sisig na ginamitan ng crocodile meat at isa sa mga paboritong dish ng mga pumupunta sa park.

Sa pagtatapos ng Davao adventure ng ating cooking diva, ibinahagi niya ang dahilan kung bakit nag-enjoy siya rito.

“Ang dami ninyong mapupuntahan. Kung gusto ninyo ng pa-beach, 10 mins. Kung gusto ninyo ng pa-bundok, 10 mins din. Kain, na 'ko ng sandamakmak!”

Abangan ang susunod na mga adventures at masasarap na kainan kasama si Regine Velasquez sa Sarap Diva.

-Text by Maine Aquino, GMANetwork.com