TV

Ano ang dahilan ng paglipat ni Matt Evans sa GMA?

By Maine Aquino

"Aaminin ko po, marami na rin po kami sa Dos at tatay na rin po ako so kailangan ko rin po ng mas marami pang trabaho." Ito ang naging diretsong sagot ni Matt Evans sa press nang tanungin siya kung bakit siya lumipat sa GMA Network. 


Inilahad ni Matt ang kanyang rason sa ginanap ni media conference ng bagong primetime show na Sherlock Jr. Inamin ni Matt na diniretso niya ang GMA executives na hindi niya hinahangad na maging bida sa mga programa. Saad niya, "Nung lumipat po ako dito, tinanong po ako ni Ms. Lilybeth (GMA Entertainment Content Group Senior Vice President Lilybeth G. Rasonable) kung ano ang gusto ko raw po na role. Sabi ko naman po sa kanila, ayoko naman po magbida kasi una po sa lahat, iba po 'yung pressure ng bida."

Dagdag pa niya, "Sabi ko doon na lang po ako sa character roles para at least mabilis po na maka-penetrate at saka mas challenging din po."

Tinanong rin ng press kung may mga Kapuso stars ba na nagtaray sa aktor sa kanyang paglipat.

Kuwento ni Matt, "Wala naman po. Basta sabi ko lang po sa kanila gusto ko lang pong i-showcase 'yung talent ko. And 'yun nga po, umpisa pa lang tinanong na nila ako at tinapat ko na rin po sila na ang character roles ang gagawin ko muna."

Abangan si Matt sa Sherlock Jr., ngayong Lunes (January 29) na sa GMA Telebabad.