
Huling linggo na ng pinakasinubaybayang K-drama adaptation tuwing hapon, ang Stairway To Heaven.
Sa nalalapit nitong pagtatapos, nalaman na ni Cholo (Dingdong Dantes) ang tunay na kalagayan ni Jodi (Rhian Ramos) na nakikipaglaban sa sakit na cancer.
Habang may pinagdaraanan ang dalaga, nagbubunyi naman ang mag-inang sina Maita (Jean Garcia) at Eunice (Glaiza De Castro) dahil ito na ang tsansa ng huli na maikasal kay Cholo.
Pipilitin ni Maita si Zoila (Sandy Andolong) na pakasalan ni Cholo si Eunice para hindi mabisto ang sikreto niyang pakiki-apid sa isang pamilyadong congressman.
Magpasindak kaya si Zoila sa pamba-blackmail ni Maita, kapalit ng kaligayahan ng kanyang anak?
'Yan ang matutunghayan sa huling linggo ng Stairway To Heaven kaya patuloy itong subaybayan hanggang Biyernes, 3:25 p.m., sa GMA Afternoon Prime.
Ang 2009 classic drama series ay pinagbidahan nina Dingdong Dantes at Rhian Ramos, kasama sina Glaiza De Castro at TJ Trinidad.
Tampok din dito ang mga batikang aktor na sina Jean Garcia, Jestoni Alarcon, Soliman Cruz, at Sandy Andolong.
Matapos ang 11 taon ay muling ipinalabas ang Stairway To Heaven bilang pansamantalang kapalit ng Prima Donnas.
Ito ay alinsunod sa special programming ng GMA ngayong panahon ng COVID-19 quarantine, kung kailan suspendido ang mga produksyon para maiwasan ang paglaganap ng virus.
Nakatakdang bumalik sa telebisyon ang Prima Donnas sa Lunes, August 17.
Samantala, maaaring mapanood ang full episodes ng Stairway To Heaven at ng iba pang Kapuso shows sa GMANetwork.com at GMA Network app.