
Matapos hirangin bilang Ultimate Male Protégé sa season 2 ng GMA's reality-based artista search na Protégé noong 2012, napanood na sa ilang GMA drama series ang aktor na si Jeric Gonzales.
Isa sa GMA shows na kaniyang kinabilangan ay ang Magkaagaw, kung saan nakasama niya ang mga aktres na sina Klea Pineda at Sheryl Cruz.
Sa showbiz podcast na Updated with Nelson Canlas, ibinahagi niya na matapos ang proyekto niya na Magkaagaw, dumating sa punto na gusto na niyang huminto sa pagiging artista.
Kuwento ni Jeric, “Medyo na-depress na naman ako kasi wala [nang acting projects]. Sabi ko, ano na mangyayari sa akin, ano na ang next. Tapos ano, guesting guesting lang, ganun?”
Ngunit ilang panahon lang ang nakalipas, muling nabigyan ng break si Jeric matapos siyang mapili bilang isa sa lead stars ng GMA drama series na Start-Up PH.
Ayon kay Jeric, itinuturing niya ang Start-Up PH bilang biggest break niya.
Kasunod nito, ikinuwento ni Jeric ang ilang detalye noong nalaman niyang mapapabilang siya sa Philippine adaptation ng isang hit Korean drama series.
Bukod dito, may nalaman daw si Kapuso hunk tungkol sa kaniyang kapwa aktor at tinaguriang Asia's Multimedia Star na si Alden Richards.
Pagbabahagi niya, “Noong sabi nga sa akin na makakasama ako dito, parang 'Totoo ba? Talaga ba?' Tapos 'yung makakasama si Bea [Alonzo], parang nagkaroon ulit ako ng hope. Parang ganun, pwede pa, baka pwede pa [ituloy ang showbiz]. So ayun, narinig ko na parang si Alden, isa siya sa nag [recommend] sa akin dito.”
Dagdag pa niya, “I owe this to him, this project. Na sa dami ng artista, naniwala siya sa akin, so parang nagkaroon talaga ako ng hope. As in I'm so thankful to Alden [Richards], isa siya sa naniwala sa akin na [noong] mga times na [mahirap.] Isa siya sa naniwala sa akin and then ngayon... nakasama ko na siya, nag-wo-work kami, naramdaman ko lahat ng support.”
Ayon pa sa aktor, “Alam mo 'yun, gusto niya ako mag-succeed din, nakita ko sa kanya 'yun, hindi siya madamot na tao… Kaya siya super blessed na tao kasi deserve niya yun kasi super bait niya and giver talaga siya...”
Kasunod ng kaniyang mga naging pahayag, sinulit na rin ni Jeric ang pagkakataon na makapagpasalamat sa kapwa niya Kapuso actor.
Sabi niya, “Alden, thank you so much kasi ikaw 'yung nagbigay sa akin ng hope. Isa ka sa naging dahilan kung bakit itinuloy ko ang career ko dito sa showbiz, isa ka sa nagbukas ulit ng pintuan sa akin--na mas galingan ko pa, mas ipakita ko pa 'yung talent ko, na may naniniwala pa pala sa akin na katulad mo, na kaya ko ito, na magaling ako… And dahil doon, hindi ko sasayangin lahat ng tiwala na ibinigay mo sa akin. Gagalingan ko, itutuloy ko ang mga pangarap ko, and one day sana kapag naging successful ako, sasabihin ko sayo na maraming maraming salamat. Ikaw ang dahilan kung bakit ko naabot ito.”
Pahabol pa ni Jeric, “Dito lang ako umiyak. Hindi ako umiiyak sa interview.”
Sa bagong GMA drama series na Start-Up PH, napapanood si Alden bilang si Tristan “Good Boy” Hernandez (Han Ji-pyeong).
Samantala, si Jeric naman ay kasalukuyang ginagampanan ang karakter ni Davidson Navarro (Nam Do-san).
Mga Kapuso, patuloy na subaybayan ang Start-Up PH, mula Lunes hanggang Biyernes 8:50 p.m. sa GMA Telebabad, at sa GTV naman ay mapapanood ito tuwing Lunes hanggang Huwebes 11:30 p.m., at tuwing Biyernes naman ay ipapalabas ito sa oras na 11: 00 p.m.
Mapapanood din ang bagong drama series sa GMA PinoyTV.
SILIPIN ANG BEHIND THE SCENES NG START-UP PH SA GALLERY SA IBABA: