TV

Manny Pacquiao, nagpasalamat sa mga kapwa Filipino


Sa isang exclusive interview sa Startalk TX pagkatapos ng kanyang pagkapanalo kontra kay Timothy Bradley, Jr., nagpasalamat si Manny Pacquiao sa walang sawang suporta na ibinibigay sa kanya ng mga Filipino sa bawat panig ng mundo.

Inaalay ng World Welterweight Champion ang kanyang tagumpay sa lahat ng Filipino na walang sawang sumuporta sa kanya.

“Marami pong salamat sa lahat ng ating mga kababayan na laging nanonood, nakasuporta at sumubaybay sa laban na ito. Para po sa ating lahat ang karangalan na ito. Marami pong salamat sa inyong lahat,” sabi ni Pacman.

Bagamat nanalo si Manny, inamin niyang mas nahirapan siya sa katatapos na laban kaysa noong laban nila ni Bradley noong 2012.

“Mas [nahirapan ako] ngayon kasi matibay siya at nag-improve siya. Mas malayo ang inimprove niya mula noon hanggang ngayon,” inamin ng People’s Champ.

Gayunpaman, confident ang eight-time World Champion dahil sa lakas ng loob na binibigay ng Panginoon.

“Kumpayansa ako dahil God is guiding me and God is with us, so, no problem,” sabi niya.

Excited na umuwi si Manny, lalo na’t hindi nakasama ang kanyang asawang si Jinkee sa U.S. dahil naka-schedule na itong manganak sa May 5.

“Nami-miss ko na 'yung asawa ko. 'Yung nga ang problema ko ngayon eh. Ang problema ko ngayon, problema sa puso,” ang nakangiting sinabi ng kampeon.

Si Jinkee naman ay nanood ng laban mula sa kanilang tahanan sa General Santos kasama ang pamilya, mga kamag-anak at kaibigan.

“Syempre medyo kinakabahan [ako] and at the same time, excited na halong emosyon kaya nga after the fight, napaiyak ako kasi parang na-relieve na kumbaga… nakahinga rin ng maluwag. Thank God for everything,” sabi ng maybahay ng People’s Champ.

Nagpasalamat din si Jinkee sa asawa para sa karangalang iuuwi at sa Panginoon na naging napakabuti sa kanilang pamilya.

“[Kay Manny], thank you and maghihintay kami sa kanya sa kanyang pagbabalik. Truly, God is good all the time. Nothing is impossible with Him. He did it again, so congratulations! We miss you and we love you,” aniya.

-- Text by Meryl Ligunas, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com; Interview by StarTalk TX