TV

Custody case nina Claudine Barretto at Raymart Santiago, lumilinaw na

By REGINA BENGCO

Bagama’t hindi nagsalita dahil sa gag order, pareho namang nakangiting lumabas sina Claudine Barretto at Raymart Santiago mula sa korte na dumidinig sa custody case nila sa kanilang mga anak.

“Mas maganda (na) nakikita mong lumalabas (kami) na nakangiti kaysa ‘yung nakasimangot kami. I don’t want to go into details kung ano ang pinag-usapan dahil respeto na rin sa korte. Ang maganda nyan pareho kaming nakangiti paglabas,” pahayag ni Raymart sa ulat ng Startalk,

Ayon kay Raymart, “kahit paano ay may liwanag” na ang kanilang kaso after more than a year.

“Noong umpisa pa man, di ba, sinabi ko wala namang panalo rito sa amin. Pareho kaming talo dahil minsan na buo ang pamilya na nawasak pero unti-unti naman may liwanag naman,” dagdag niya.

Birthday ni Sabina, anak nina Raymart at Claudine, noong nakaraang Sabado pero hindi kinumpirma ni Raymart kung dumalo siya sa party ng anak.

Nagkausap din sina Raymart at Miguel Barretto, ama ni Claudine, pagkatapos ng hearing sa korte.

“Kung sinasaktan ko talaga ‘yang anak nila, sa tingin nyo ba kakausapin pa ako ng mga magulang niya? (Ang) kuwentuhan namin parang wala lang nangyari. Parang normal lang na usapin,” dagdag pa niya.