TV

Geoff is trying his best to move on - Direk Gina Alajar

By REGINA BENGCO
 
Matapos ang ilang buwang pananahimik, nagsalita na ang aktres-director na si Gina Alajar tungkol sa break up ng kanyang anak na si Geoff Eigenmann at ng Kapuso actress na si Carla Abellana.

“It’s been a few months lang so I think he’s trying in the best way he can to move on. Nakaalalay lang kami sa kanya. If he needs us, nandiyan lang kami palagi. I’m sure paunti-unti, nakaka-recover din siya,” ani Direk Gina nang kumustahin sa kanya ng Startalk ang lagay ng anak.

“Nabigla rin naman siguro siya dahil siya ang iniwan e. Ano ba ‘yan. Nagulat lang din siguro siya,” pagsisiwalat niya.

Walang major reasons or third party na naging dahilan ang paghihiwalay ng dalawa, aniya, kundi maliliit na bagay lang na nagkapatong-patong at bigla na lang sumabog.

Galit si Direk Gina sa mga tsismis na si Kylie Padilla, na leading lady ni Geoff sa show na Adarna, ang dahilan ng break-up nina Carla at Geoff. Hindi raw totoo iyon.

“Nakakapikon din ‘yun. Nainis ako doon sa taong nagsalita. Di ba, parang di naman niya inisip kung ano ang sinasabi niya. Ni wala naman siyang pruweba. Ginagawa niyang guilty ang anak ko sa harap ng maraming tao!”

Nagpahayag siya ng panghihinayang sa pagtatapos ng four-year relationship nina Geoff at Carla.

“Carla was part of the family for four years. Naging regular namin siyang kasama, naging part siya ng buong pamilya. Nakakalungkot dahil hindi sila nagkatuluyan. Nakita ni Geoff ang sarili niya to grow old with her,” ani Direk Gina.

Sa ngayon, hindi niya nasisiguro na muling magkakabalikan ang dalawa dahil “masyadong malalim ‘yung sugat.”

“At first kasi sinabi ni Carla sa akin, ‘Huwag na po muna nating ipamalita kasi hindi pa kami ready. Kaming dalawa muna po. Sa family muna po.’ So we were all hoping na inaasikaso nila – and then the movie came (referring to So It’s You which starred Carla and Tom Rodriguez)…And ‘yun pinaputok na nila ‘yun,” dagdag niya.    

Sa hiwalay na panayam kay Carla ng Startalk, tinanong ng host na si Lolit Solis kung ano ang advice ng dalaga kay Geoff.

“Di ko alam. Parang wala ako sa position para magbigay ng advice sa kanya. Kung may kailangan man siyang tulong, siguro ang pamilya niya ang makakabigay noon sa kanya. Sila na ang bahala sa kanya,” ani Carla.

“Happy birthday, Tita Gina. I love you. Text nyo po ako. Ite-text ko po kayo  I love you, I hope all is well,” aniya.