TV

Derek Ramsay, kasal at may anak


By CHERRY SUN
 
Nagsampa  noong August 7 ng kaso laban kay Derek Ramsay sa Makati Regional Trial Court si Mary Christine Jolly-Ramsay, ang legal na asawa at ina ng anak ni Derek.

Ayon sa getitfromboy.net, nagsumite ng reklamo laban kay Derek si Christine noong June 27, 2014. Kalakip ng complaint affidavit ay ilang litrato ng kanilang naging civil wedding noong April 3, 2002 sa Bulacan.

Iginiit ng kampo ni Derek na wala silang natatanggap na kopya ng reklamo at nalaman lamang ang tungkol sa hearing through the social media.

Kasalukuyang nasa Toronto ngayon ang aktor ngunit handa raw itong sagutin ang reklamong inihain laban sa kanya pagkabalik niya ng bansa.

Ani Atty. Joji Alonzo, legal counsel ni Derek, “Everything that’s there are lies. So we will prove that in our counter affidavit.”

“He’s very sad natural kasi all of these things are false accusations as we will prove on the 20th,” dugtong niya.

Bago lumipad patungong ibang bansa ay sinubukan ng Startalk na kunin ang pahayag ng aktor ngunit mas ginusto nitong manahimik. Ang tangi lamang niyang sinabi ay, “Of course, we want to know the truth, that’s all that matters is the truth.”

Five-month romance

Nagkakilala si Derek at si Christine, isang Filipina-Indian model, sa isang bar sa Makati noong 2001. Pagkalipas ng ilang buwan ay nagsama na raw sila sa apartment ng aktor.

Sila ay nagpakasal through a civil wedding noong April 3, 2002 sa Balagtas, Bulacan. Mula noo’y nagsama na sila bilang mag-asawa hanggang September 2002. Nang mga panahong daw iyon ay hindi natitigil ang kanilang pag-aaway dahil sa pagiging seloso at demanding ni Derek.

Nang sumunod na buwan ay bumisita si Christine sa kanyang pamilya sa Dubai at doon napag-alamang nagdadalang-tao siya. Ibinalita niya ito kay Derek sa pagbabakasakaling kahit hindi niya matupad ang kanyang pagiging may-asawa ay magiging mabuti siyang ama sa kanilang anak.

Ikinagulat lalo ni Christine ang pangtanggi ni Derek sa kanyang responsibilidad at sa pagduda nito na siya ba talaga ang tunay na ama ng bata.

Nagpakatatag na lamang daw si Christine hanggang sa ipinanganak niya si Austin noong June 28, 2003 at nanirahan sila abroad.

Complaint

Isinampa ni Christine ang kasong violation of RA 9262 or Anti-Violence against Women and their Children Act.

Ayon sa complaint affidavit ni Christine, ang pagtakwil ni Derek sa kanyang responsibilidad bilang asawa at ama ay nagdulot sa kanilang mag-ina ng “emotional, psychological and economic abuse.”

Hindi raw nagbibigay ng sustento si Derek para sa kanyang mag-ina at hindi nagpapakita ng kahit anong interes o malasakit. Hindi rin daw pinansin ng aktor ang lahat ng efforts ng kampo ni Christine upang magkita sila at magkausap.

Sa tatlong taong pamamalagi ng mag-ina sa bansa ay apat na beses pa lamang daw nagkasama sina Derek at Austin.