TV

Dating boyfriend ni Mahal na si Jimboy Salazar, ikakasal na sa boyfriend

By MARAH RUIZ


 
Maraming tumaas ang kilay noon nang nakipagrelasyon si Jimboy Salazar kay Mahal.

Lalo siyang napag-usapan nang umamin siya sa tunay na kasarian.

Ngayon, ang dating That's Entertainment performer ay ikakasal na sa kanyang balikbayang entertainer boyfriend na si John Danan.

"Nasa Singapore po ako noon. Nagcha-chat kami. Sabi niya po sakin, baka may makita daw po akong iba doon," paliwanag ni John kung paano nangyari ang kanilang engagement. 

Kaya naman dali-dali niyang inalok si Jimboy ng kasal para mapanatag ang loob nito. "Sabi ko, sige to prove, i-set na natin, magpapakasal tayo," wika niya.

Gustong itapat nina Jimboy at John ang kasal nila sa kanilang third anniversary na papatak sa March 15. Bukod dito, gusto rin daw ni Jimboy ng isang beach wedding sa La Union o Puerto Galera.

"Naka-all-white lahat, tapos colorful ‘yung bouquet. ‘Yung flowers, colorful. Tapos naka-diwata akong costume. Tipong ang haba-haba ng hair ko. Flowing na white ‘yung dress ko," biro ni Jimboy sa kanyang dream wedding.

Masaya naman daw sila na hindi tumututol ang kanilang mga magulang at mga kaibigan sa balak nila.

"Kung matutuloy tayo sa kasal, aalagaan kita," ani John. "Sabi ko nga sa kanya, kahit ano’ng marinig ko or what, wala akong pakialam basta masaya tayo sa isa't isa," dagdag pa nito.