TV

Dating Universal Motion Dancer, umaming binubugbog ng kanyang live-in partner

By ANN CHARMAINE AQUINO

 
Naging makatawag pansin ang Facebook posts ng dating Universal Motion dancer na si Marco McKinley dahil sa kanyang videos na sinasaktan ang kanyang sarili. 
 
Ayon kay Marco, ang katotohanan sa likod ng kanyang posts ay nagsimula sa pag-aaway nila ng kanyang live-in partner. Aniya, "Para bang na-i-insecure siya sa anak ko eh."
 
Dagdag ni Marco, "Kapag nandiyan 'yung anak ko para bang lagi siyang may comment. 'Amos, ayusin mo 'yan. Amos, ganito ganyan. Amos, huwag kang maingay.' Tapos bababa siya, [sasabihin] 'lalayas ako!' Hysterical mode, hysterical mode din ako. Bakit ka lalayas? Bakit mo papatulan 'yung bata? May anak ka na tatlo, anim ang anak ko, 'di ba? Nag-anak ka pa kung hindi ka nakakaintindi ng bata. Pinapagalitan niya 'yung bata kung nagkamali. Okay sa akin 'yun, walang mali dun. Pero 'yung pagkatapos mong pagalitan, ako naman 'yung bubunuin mo, lalayas."
 
Inamin ni Marco na siya ang sinasaktan ng kanyang live-in partner. 
 
"Hindi ako nananakit, ako pa ang sinasaktan. Sampal, suntok, tadyak. Isang linggo ko nang dinadamdam 'yung tagiliran ko eh, 'yung tadyak niya sa akin. Siyempre sampalin ka ba naman, suntukin ka. Alangan naman suntukin ko 'yung babae? Dito na lang ako sa kalye magwawala. Magbabasag na lang ako. At least, wala akong sinaktan," pahayag niya.
 
Ikinuwento ni Marco na sa isang pag-aaway nila nauwi sa paglalayas ang kanyang live-in partner sa kanilang bahay at dito umano siya nalagay sa alanganin. 
 
"Lumayas siya rito. Tinawagan ko 'Nasaan ka na, umuwi ka na sa bahay.' Sabi niya, 'Nandito lang ako sa Pasay.' Pero, pagpunta ko sa bahay nila doon sa Cainta, tapos pumasok ako doon sa bahay nila, walang tao so nademanda ako ng trespassing. Hinuli ako doon sa loob ng bahay. Alam naman doon ng security na nakaupo lang ako. Hindi ako nagwawala, kahit doon sa blotter nila hindi ako nagwawala. Pero 'yun 'yung laging dialogue nila sa akin, nagwawala ako. Tinurn over ako sa barangay. From barangay naka-blotter din dapat ako, tinurn over ako sa police dapat meron akong pinirmahan na eto 'yung ginawa mo, ganyan, blotter nga eh. Kaso hindi ako dumaan sa ganung proseso. Diretsong kulungan."
 
Dagdag ni Mark, "Four days akong nandoon. Ako nagpiyansa lang sa sarili ko. Nag-text pa ako pagdating ko dito. "Beb, nakulong ako, pinakulong niyo ako. Nung binubugbog ka ng ex mo dati, pinagtanggol kita. Ako pa 'yung mismong sumuporta mismo at ako pa 'yung nagpapayo, huwag mong ipakulong 'yang asawa mo."
 
Sa kanyang paglaya, inamin ni Marco na mahal niya pa rin ang kanyang karelasyon. Aniya, "Wala akong regret at pinagsisisihan kasi siguro doon ako malas din eh. Sobrang pagmamahal."
 
"Kung may babalik, e 'di bumalik. Kung walang babalik, ang dami kong anak. Madaming nagmamahal sa akin, anim pa 'yung nagmamahal sa akin eh. Isa ka lang, 'di ba? Pero hangga't maaari, kung puwede nating ayusin o maayos 'di ba? Mas maganda."
 
May mensahe rin sa Marco sa kanyang mga anak dahil sa sinapit ng kanyang buhay pag-ibig. "Sorry doon sa anak ko. May nagbigay sa akin ng cellphone, pinangpiyansa ko," pahayag niya.
 
Dagdag niya, "Nahihiya ako sa lahat eh. Lalo na sa mga anak ko, lahat sila kaso 'yun 'yung pagkatao ko eh. 'Pag galit, galit. Paano ko naman ipagtatanggol 'yung sarili ko? Paano ko ipagtatanggol 'yung anak ko?"