TV

Eugene Domingo's 'Instant Mommy', mapapanood na muli sa mga sinehan


Hindi na baguhan sa larangan ng Indie film si Eugene “Uge” Domingo. Una s’yang sumabak sa mundo ng Indie sa 100, kasama si Mylene Dizon. Sa mga indie films na nagawa ni Eugene, pinaka-tanyag na marahil ang Ang Babae sa Septic Tank na Cinemalaya Film Festival entry noong 2011. Sa pamamagitan din ng pelikulang ito, lalo pang nakilala si Eugene bilang isang primyadong komedyante at nanalo bilang Best Actress.

Sa Cinemalaya Film Festival naman sa taong ito ay kalahok ang isang pelikulang kanyang pinagbibidahan – ang Instant Mommy. Gaya ng inaasahan, naging maganda ang pagtangkilik ng mga kritiko at manonood dito kaya naman muli itong mapanood sa commercial cinemas simula bukas, August 28.

Noong Sabado ay nag-guest si Eugene sa Startalk, kasama ang kapwa n’ya bida sa Instant Mommy na si Yuki Matsuzaki. Si Yuki ay isang Hollywood-based Japanese actor na napanood sa mga pelikula gaya ng The Last Samurai at Letters from Iwo Jima.

Pitong beses daw napanood ni Yuki ang pelikula ni Eugene na Ang Babae sa Septic Tank. Talagang napahanga daw s’ya ng ating top comedienne kaya naman nang malaman niya’ng naghahanap ng leading man para kay Eugene sa Instant Mommy, agad siya’ng nag-audition para sa role. “On the set we were singing some of her numbers. She’s a very funny comedienne,” puri ni Yuki sa kanyang co-star.

Romantic-comedy ang istorya ng Instant Mommy. Sa istorya, isang TV commercial wardrobe assistant ang role ni Eugene at si Yuki naman ang kanyang Japanese lover. In real life, single and very available si Eugene kaya naman tinanong sila ng Startalk hosts kung posible bang ma-in-love sila sa isa’t-isa ng totohanan?

“Pwede, pwede,” maikling sagot ni Eugene. “Wagas na wagas… echos lang,” sagot naman ni Yuki na tila nahawa sa pagka-komedyante ni Eugene.

Kapwa daw kinailangan ng dalawa na matuto ng foreign language para sa mga eksena -- Filipino para kay Yuki at Japanese naman para kay Eugene. Bukod sa kani-kanilang teachers ay tinulungan din nila ang isa’t isa. “Waley, havey, bongga,” ang ilan lang sa mga natutunan daw ni Yuki mula kay Eugene.

Sa mga ginanapan ni Eugene na role sa pelikula at telebisyon, ito na raw ang pinaka-daring sa lahat. Hindi na niya ikinuwento kung ano’ng parte ng kanyang katawan ang kanyang ipinakita. Panoorin na lamang daw natin sa sinehan.“Parang papunta na sa nudity pero hindi naman po. Napaka-igsi lang, sandaling sandali lang at talagang kailangan sa pelikula,” paliwanag ni Eugene.

Masayang-masaya daw si Yuki sa kanyang experience sa paggawa ng kanyang unang pelikula sa labas ng Hollywood. “I love working in the Philippines,” ayon sa actor. Ngayon pa lamang nga daw ay nagbabalak na sila ni Eugene ng kanilang next project. “We’re thinking of doing some musical,” at nag-sample pa ng kanyang musical-worthyness sa pamamagitan ng isang Elvis Presley song.

“It’s a very delightful film, it’s funny and I’m very thankful to Yuki kasi he’s very generous of his time and his talent at grabeng bait sa set at naniniwala sya sa kakayanan nating mga artistang Pilipino,” paanyaya at pasasalamat ni Eugene.

Abangan ang kakaibang kwento ng Instant Mommy tampok sina Eugene Domingo at Yuki Matsuzaki sa mga sinehan simula bukas, August 28. Mapapanood din si Eugene sa Celebrity Bluff tuwing Sabado ng gabi sa GMA. – Text by CJ Mendoza, GMANetwork.com