TV

LJ Reyes, nagsalita na tungkol sa estado ng relasyon nila ni Paulo Avelino


Matagal nang tikom ang bibig ng Kapuso actress na si LJ Reyes kapag tinatanong siya sa interviews tungkol sa personal niyang buhay. Sa kanyang exclusive interview with Ricky Lo of Startalk TX, sinagot ni LJ lahat ng mga eksplosibong katanungan ibinabato sa kanya. 

Unang itinanong kung umabot na ng isang taon ang paghihiwalay nila ni Paulo Avelino, ang ama ng kanyang anak na si Aki.

“Wala pa naman po. Medyo matagal, pero hindi pa naman po,” sagot ni LJ.

May pag-asa pa bang magkabalikan sila ni Paulo?

Tugon ni LJ, “It’s very hard to say, Tito Ricky kasi nag-try naman po talaga kami. Sino naman po ang ayaw ng isang buong pamilya? Pero 'yun lang po…lahat po ng effort, nagawa ko. Sino naman pong nanay ‘yung hindi gagawin ang lahat para mabigyan ng buong pamilya ‘yung anak mo?”

Totoo ba ang balitang nagtangkang magpakamatay si Paulo dahil kay LJ?

“Sa pagkakakilala ko po kay Paulo, I don’t think na kaya niya pong gawin iyon and sinabi naman po niya sa mga interviews niya na hindi niya ginawa,” ani LJ.

Sa isang interview, inamin ni Paulo na nagde-date sila ngayon ni KC Concepcion. Ano ang reaksyon ni LJ dito?

Aniya, “Kung talaga pong nagdi-date sila, I’m happy for them. Wala naman pong masama doon. Kung saan naman po sila happy, magiging happy rin ako.”

Ngayong nakikipagdate na si Paulo, puwede na rin ba siyang makipagdate sa iba?

“Siguro po puwede akong lumabas with friends po, pero kung kunwaring seryosong date? Huwag po muna, Tito Ricky. Anak ko po muna,” saad niya.

May mga balitang naglalabasan na nagiging malapit ngayon si LJ kay JC de Vera. May namamagitan na ba sa kanila?

Sagot niya, “’Yung mga shows ko po after ng StarStruck, a lot of them po, kasama ko si JC, kaya friend ko talaga si JC. Marami rin kaming common friends.”

Kamakailan, may ilang Press members na nagtampo kay LJ dahil umano sa kanyang mga nasagot sa kanila nang tanungin siya tungkol sa personal na buhay.

Pagpapaliwanag ni LJ, “Sobrang nag-try po ako talaga na i-hold back ‘yung nafi-feel ko kasi po ang tanong po sa akin is ‘Uy, buti okay lang sa’yo na mga libreng oras lang ‘yung binibigay sa anak mo.’ Nasaktan po ako for Aki kasi parang naalala ko lang po lahat lahat ng pinagdaanan ko para doon sa bata. Nanganak po ako sa States mag-isa. Hindi po siya nakakuha ng Visa kasi hindi po siya na-grant. Gusto ko na pong tapusin ‘yung school ko…uunahin ko po ‘yung anak ko.”

Dagdag niya, “Ang dating po sa akin, parang sinasabi nila na hindi enough ‘yung naibibigay sa anak ko. Ayoko lang po na ma-feel ni Aki ‘yung ganoon. Siguro, nasaktan lang din po ako bilang nanay niya, kasi balang araw ayokong mapanood ni Aki ‘yung mga ganoong klaseng interview tapos ganoon ‘yung isipin niya. Masakit po iyon para kay Aki.”

Ngunit humingi ng dispensa si LJ sa mga nasabi niya. Ayon sa kanya, “Gusto ko pong humingi ng pasensya kung nahirapan po akong i-control ‘yung emotions ko noong panahong iyon. Ever since naman po transparent naman ako sa mga tao, pero this time lang po talaga dahil mayroon nang Aki. I’m trying to be safe. Tinatry ko po na ‘yung bawat sagot ko na kahit po in the future mapanood ni Aki, hindi siya masasaktan. Hindi na po baleng ako lang ‘yung masaktan, huwag lang si Aki.”

Ano ang mensahe niya para sa anak niyang si Aki?

“Aki, super duper love ka ni Mommy. Kahit naman sino, gusto ng buong pamilya. Siguro, gusto ko lang din mag sorry sa kanya na hindi ko po naibigay,” naiiyak niyang pahayag.

Kasalukuyang napapanood si LJ Reyes sa Prinsesa ng Buhay Ko at Sunday All Stars.

-Text by Samantha Portillo, GMANetwork.com