TV

'We're family' - The friendship of Heart, Lovi, and Alessandra


Dahil sa programang Legacy, sina Alessandra De Rossi, Heart Evangelista, at Lovi Poe ay nakabuo ng isang napakagandang pagkakaibigan. Sa Startalk, ibinahagi nila kung paano sila naging close, ang kanilang mga sekreto, at ang pagkakaroon nila ng tunay na kaibigan sa mundo ng showbiz. 

Tinanong ni Heart kung ano ang first impression ng bawat isa sa una nilang pagkikita.

“Kayo lang naman ang may impression sa akin, 'di ba? Wala naman akong impression sa inyo. Bilang 'di naman ako judgmental na tao 'di ba? Pero kayu-kayo lang nag-uusap, kayu-kayo lang nagbubulungan. 'Di ninyo ko pinapansin,” biro ni Alessandra.

Inamin naman ni Heart na inakala niyang eccentric si Alessandra. “I thought she is someone that is very liberated. 'Yun pala napaka conservative” saad niya.

Ibinahagi naman ni Lovi ang sikreto ni Alessandra tungkol sa mga kissing scenes. “Di niya kaya makipag-kissing scene. As in kahit konti, talagang ayaw niya.”

Samantala, tinanong naman ni Heart kung sino ang pinaka sensitive na kaibigan sa kanilang tatlo. Si Lovi ay dali-daling itinuro si Heart.

“Iba-iba tayo ng pagka-sensitive. Ako, saan ba ako sensitive? Sensitive ako sa lahat ng bagay. Ikaw [to Heart] sensitive ka ‘pag 'di ka nagandahan sa sarili mo, iiyak ka. Si Lovi pag 'di mo pinansin.” ang natatawang sagot ni Alessandra.

Nang tanungin kung sino sa kanila ang pinakamadaling ma in-love. Parehas na itinuro nina Lovi at Alessandra si Heart. Paliwanag ni Alessandra, “E Heart naman kasi yung pangalan niya. Tsaka Love Marie.”

Itinanong din sa kanila kung sino ang kanilang first showbiz crush. Si Alessandra ay dali-daling sumagot ng Robin Padilla. Samantalang nag-aalinlangan naman si Lovi na sabihin ang kanyang sagot. Pabulong niyang sinabi ang pangalang “Jericho”, ang controversial na ex-boyfriend ni Heart.

 “Oh my God! May tension dito na di ko alam,” ang sigaw ni Alessandra.

Sa usaping first love, proud na sinambit ni Alessandra si Biboy Ramirez, ang kanyang first boyfriend. Si Lovi naman ay piniling ilihim ang pagkatao ng first love. “He’s married na.” sagot ni Lovi.

Nang ibinalik naman ni Alessandra ang first crush at first love na tanong kay Heart. Sinagot niya ito ng “Oh my God! Buti nalang walang Channel 7 si Chiz, si Jericho dati. Bata pa po ako nun! Tapos first love, first kiss, si John Prats!”

Nakakatuwa namang ikinwento ni Alessandra ang kanyang first kiss experience. “Nung 5 years old ako. Hinatak ko 'yung playmate ko sa bodega. Nagliptolelang [nagkiss] kami sa bodega.” Samantalang si Lovi naman ay isinagot na ang “first boyfriend ko. Si Ryan.” ang kanyang first kiss.

Nang itanong ni Heart ang kanilang greatest love, pinili nilang tawanan na lamang ito at 'wag sagutin.

Sa usaping dream wedding, si Alessandra ay sumagot ng “Beach wedding, bilang I’m a mermaid.” Si Lovi naman ay sinabing hindi pa ito naiisip, hangga’t “Mahanap ko ang dream guy ko.”

Nang tanungin tungkol sa panahon na kinailangan nila ang isa’t-isa. “Alam niyo naman 'yung mga kacheapan natin nung Legacy days, 'di ba? Kaya nga tayo naging close dahil sabay-sabay tayong may pinagdadaanang hindi magagandang pangyayari.” pagbabahagi ni Alessandra

Sinubukan naman ng Startalk na alamin ang detalye sa kwentong ibinahagi ni Alessandra. “Siyempre pag shinare natin di wala na tayong career di ba? Hello? Okay lang kayo? Sa amin na lang 'yun noh! E 'di pag shinare ko bestfriend ko na kayong lahat. E paano ko kayo ihahandle?” pabirong sagot ni Alessandra.

Mensahe para sa isa’t-isa.

“Thank you. Thank you talaga sa.. ako sa totoo lang aminado naman ako. Kokonti lang talaga ang kaibigan kong showbiz. Dahil nga showbiz sila at hindi ko siya ma-take. At kayong dalawa [Heart at Lovi], naging totoo kayo sakin. 'Yung mga bagay na hindi niyo kayang sabihin sa ibang tao, nasabi niyo sa akin. At ganun din ako sa inyo,” pahayag ni Alessandra.

Pinasalamatan naman ni Lovi ang kaibigan na sina Alessandra at Heart. "I'm very thankful sa inyong dalawa. Hindi kasi, 'yun nga, nung nagsisimula pa lang tayo sa Legacy ang dami na nating napag-usapan and everything hanggang sa labas nga ng taping. Ang dami nating mga bondings. And, we share everything sa isa't-isa, mga problema natin at tsaka pwede tayong magtawagan in the middle of the night at magsabi ng mga problema natin."

Idinagdag ni Lovi na may mga panahong pumupunta lang siya sa bahay ni Heart anytime niya gustuhin. Samantalang si Alessandra naman ay pinapagalitan siya sa phone habang siya ay umiiyak at nagpapamasahe. "I'm really thankful that I have true friends sa business na ito," ang madamdaming pahayag ni Lovi.

Inamin naman ni Heart na siya ay nahihiya, at hindi mushy. Pero nagbigay siya ng pahayag kina Lovi at Alessandra na "life is so much better, with you guys around. Especially for me, we’re not friends, we’re family."

Subaybayan si Lovi Poe gabi-gabi bilang Lovelia sa Akin Pa Rin Ang Bukas. At abangan naman si Alessandra De Rossi bilang Gigi sa Magkano Ba ang Pag-Ibig?, pagkatapos ng Villa Quintana.

--Text by Maine Aquino, GMA Network.com