TV

Lian Paz nagsalita na tungkol sa rumored boyfriend na si John Cabahug


Halos dalawang taon na ang nakararaan nang mahiwalay si Kapuso actress Lian Paz sa kanyang asawang si Paolo Contis. Nag-file na rin sila ng annulment case para mapawalang-bisa ang kasal.

Sa panahong magkahiwalay sina Lian at Paolo, maraming isyu ang ibinato sa aktres tungkol sa 'di umanong mga lalaking umaaligid sa kanya.

Matagal na itinikom ni Lian ang kanyang bibig hinggil sa mga isyung ito. Pero noong nakaraang Sabado sa Startalk TX, nagsalita na siya at nilinaw sa publiko ang katotohanan.

Unang itinanong ng Startalk TX hosts na sina Butch Francisco at Ricky Lo kung naging loyal wife ba si Lian kay Paolo. “Naman! Opo siyempre po. Kasal po kami 'di ba? So pangit naman po na hindi ka maging loyal. Mayroon po kayo prinamis noong ikinasal kayo,” sagot ng aktres.

Sinundan naman agad ng hosts ng tanong tungkol sa mga nali-link na lalaki kay Lian. Ayon sa research ng show, mayroon daw dalawang lalaking na-issue sa aktress. Ang isa raw ay nagmamay-ari ng isang malaking eskwelahan sa University Belt at sikat na celebrity naman daw ang isa pa.

Inamin naman ni Lian na totoong nakasama niya ang dalawang lalaking ito habang pinapagaling niya pa ang sugat sa kanilang paghihiwalay ni Paolo. Pero ayon sa kanya, hindi nagkaroon ng kahit anong relasyon sa pagitan nila. Bagkus ay tinulungan lang daw siya ng mga ito dahil sa kanyang sitwasyon noon.

Pero 'di tulad nang dalawang lalaking hindi pinangalanan ni Lian, hindi itinago ng aktres ang current guy na nali-link sa kanya. Siya si John Cabahug, isang businessman at basketball player na tubong Cebu rin tulad ng aktres.

“Si John, elementary saka high school classmate po kami, schoolmate po kami sa Cebu. So parang na-rekindle lang po 'yung friendship namin nung time na nauso 'yung Facebook. Medyo chat ng kaunti. Tapos may-ari pala sila ng isang company for beauty products,” pahayag ni Lian.

Nang tanungin naman tungkol sa tunay na relationship ni Lian kay John, hindi naman siya nag-deny. Dagdag niya, “what you see is what you get. ‘Yun na po 'yun. I wanna keep things in private this time.”

Bago matapos ang interview ni Lian, tinanong ng showbiz talk show hosts kung may kasal na bang pinaplano ang dalawa.

“Hindi. Wala pa naman po. Wala pa namang ganoong usapan. Pero we enjoy the moment, kung ano 'yung mayroon po,” mabilis na sagot ng aktres.

Patuloy na subaybayan si Lian Paz sa Prinsesa ng Buhay Ko, weekdays after GMA Blockbusters on GMA Telebabad. Abangan din siya sa isa sa bagong shows na ihahandog sa inyo ng GMA ngayong 2014. - Text by Al Kendrick Noguera, GMANetwork.com