TV

Sarah Lahbati on Richard Gutierrez: 'Kahit ano'ng mapagdaanan namin [ay] kakayanin pa namin'


Matagal ding hindi nakita si StarStruck Season 5 alumna na si Sarah Lahbati matapos siyang masangkot sa isang kontrobersiya noong 2013. Pero noong nakaraang Linggo sa Startalk, sa unang pagkakataon sa kanyang pagbabalik-showbiz ay nagpaunlak siya ng isang exclusive interview sa host ng show na si Butch Francisco.

Bago biglang nawala si Sarah sa showbiz ay naging maingay ang balita tungkol sa relasyon nila ni Richard Gutierrez. October ng taong 2012 nang kumpirmahin ni Richard sa kanyang Instagram na magkarelasyon sila.

Dahil hindi naging malinaw sa publiko ang love story nina Sarah at Richard, ipinakuwento ni Butch sa StarStruck alumna kung paano nagsimula ang kanilang relasyon.

Kuwento ni Sarah, nagsimula raw ang lahat sa paghingi ni Richard ng number niya. “The first time that he asked my number was during taping and during that time, bagong palit ako ng number. Hindi ko memorized 'yung number ko. And my answer was - 'I don't know my number,'” aniya.

Dagdag ni Sarah, noong time daw na ‘yon ay nasupladahan sa kanya si Richard at kinuwestiyon pa siya noon kung bakit hindi raw niya alam ang number niya. “I just said na, 'no hindi ko talaga alam,'” saad niya.

Ayon kay Sarah, lumipas pa ang isang buwan bago niya naibigay ang number niya kay Richard at doon na nagsimula ang kanilang love story.

Kailan ba naging official ang relasyon nina Sarah at Richard? “It happened one late afternoon during Makapiling Kang Muli taping and he asked me properly and we both knew that we are at that point. You know, the typical cheesy thing,” pahayag ni Sarah.

Dalawang taon na ang nakakaraan nang matapos ang show na Makapiling Kang Muli. At mula noon hanggang ngayon na nagbabalik na si Sarah sa showbiz ay matatag pa rin ang relasyon nila kaya naman tinanong ni Butch sa kanya kung ano ba ang sikreto nilang dalawa.

“I guess marami kaming pinagdaanan together and kahit ano'ng mapagdaanan namin [ay] kakayanin pa namin. We trust each other and we communicate well. So 'yun ang basic things na kailangan (para maging) strong (ang) isang relationship,” sagot ni Sarah.

Sa isyu namang kinasangkutan ni Sarah, sinabi niyang nalampasan niya ang pagsubok na iyon dahil sa kanyang mga mahal sa buhay. “It was really hard but I'm grateful that naroon 'yung Mom ko and si Daddy, kasama ko sila during that time. And I got through everything because I was with them and Chard visited me often,” aniya.

Subaybayan ang pagbabalik-showbiz ni Sarah Lahbati sa pelikulang Basement ng GMA Films/ Coffee House Productions at Springboard Film Productions na ipinapalabas na sa mga sinehan nationwide. – Text by Al Kendrick Noguera, GMANetwork.com