TV

Kelvin Miranda, napiling leading man ni Beauty Gonzalez sa 'Stories from the Heart: Loving Miss Bridgette'

By Marah Ruiz

Si Kapuso actor Kelvin Miranda na ang kumpirmadong makakatambal ng aktres na si Beauty Gonzalez sa Loving Miss Bridgette, isa sa mga upcoming mini-series mula sa seryeng Stories from the Heart.


Sa unang pagkakataon, nagkita na sina Kelvin at Beauty sa lobby ng isang hotel. Dito sila nakatakdang mag-check in para sa kanilang mandatory quarantine bago sumabak sa lock-in taping.

Agad na lumapit si Kelvin kay Beauty para magpakilala. Napansin naman ni Beauty ang bitbit na gitara ng aktor.

"Haharanahan na 'to ah," panimula ni Beauty.

"Nice to meet you in person," bati ni Kelvin

"Nice to meet you," sagot naman ni Beauty.

Ito ang unang pagkakataon na magkita sila sa personal. Bago nito, sa mga virtual meetings pa lang sila panandaliang nag-usap.

"Hindi pa kami nagkikita talaga eh," lahad ni Kelvin.

Kinilatis naman nang malapitan ni Beauty ang mas nakababatang co-star.

"Tatanggalin ko muna 'yung shades. Wow, gwapo! Nahiya tuloy si Kelvin," tukso ni Beauty.

"Hindi naman," nahihiyang sagot ng aktor.

Sa Loving Miss Bridgette, gaganap si Beauty bilang konserbatibo at recently annulled guidance counselor na si Bridgette.

Si Kelvin naman ay si Marcus, isang may pagka-maloko na pre-med student na makikilala ni Bridgette habang nagbabakasyon.

Sa kabila ng agwat sa kanilang edad at maging estado sa buhay, magkakaroon ng isang secret love affair ang dalawa.

Abangan ang intriguing at shocking love story nila sa Stories from the Heart: Loving Miss Bridgette, soon on GMA!