TV

Kakaibang performances at pasabog hatid ng 'Sunday All Stars'



Napansin ng mga judges na tinaguriang 'Big Four' (Regine Velasquez, Janno Gibbs, Jaya and Ogie Alcasid) na walang kumanta sa grupong ito. Gayunpaman, hindi ito naging hadlang para makamit ang Best Performance award. Buhay Kalye ang tema na kanilang napili. Punong-puno ng mensahe ang kanilang pagsayaw. Patunay na karapat-dapat silang manalo.

Hinirang naman si Rochelle Pangilinan na Best Performer na kabilang din sa Tropang Trending.

Nagpakitang gilas din ang ibang grupo. Mga larong kalye ang ibinida ng grupong Ligang iLike. Nakasama ng grupo si Kenjohn at ang isang magaling na yoyo tricker na agaw-eksena. Marami din ang humanga sa rendition ni Jonalyn Viray ng 'Babae po Ako' ni Tuesday Vargas.

Hindi naman nagpaawat ang InstaGang. Mismong si Kuya Germs ang nakasama nila sa pagperform. Tinampok ang buhay ni Kuya Germs para sa temang kalye. “Saksi ang mga kalye sa pagbuo ng ating mga pangarap, basta may nais kang marating huwag kang bibitiw. Ang inyong nasaksihan ay ang aking kasaysayan. Huwag niyong ikahiya kung ano ang iyong pinangalingan,” ang madamdaming mensahe ng legendary showbiz icon .

May bagong pakulo namang ipinakita ang grupong Tweet Hearts. Isang kakaibang performance ang nagpamangha sa Big Four. Natuwa si Regine sa ending ng performance ng Tweet Hearts. Ipinakita sa huli si Gov. Vilma Santos na may ibinigay kay Jennylyn Mercado. Ipinaliwanag ni Jennylyn na karugtong nito ang kanilang ipe-perform sa susunod na linggo na ang tema ay “heroes”.

Huwag palampasin ang mga maiinit at kapanapanabik na mga performances ngayong linggo! Ano na naman kaya ang mga pakulo na dapat nating abangan? Kaninong team kaya ang magwawagi this week? Huwag palampasin ang celebrity showdown ngayong Linggo sa Sunday All Stars.-- Text by Eunicia Mediodia, GMANetwork.com