TV

Ruru Madrid, nami-miss ang dating Tweet Hearts


Sa ikatlong linggo ng Sunday All Stars cycle two, tila marami pa rin ang hindi kaagad nakamove-on sa pagbabagong naganap sa kani-kanilang team. Katulad na lang ng sinabi ni LJ Reyes nang huli namin siyang makapanayam, “Lahat ng grupo nagkaroon ng separation anxiety.” Ano naman kaya ang naramdaman ng iba pang miyembro ng Sunday All Stars?

Nagkaroon ng pagkakataon ang GMANetwork.com na ma-interview ang isa sa mga hottest young stars ng GMA – si Ruru Madrid. Sa exclusive interview na ito, alamin kung ano ang mga inamin at rebelasyon ng Kapuso actor.

“Ang natira sa original na Tweet Hearts, ako, Maricris [Garcia], Sef [Cadayona]. Ang nadagdag sa amin Rachelle Ann [Go], Kris Lawrence, Aira [Bermudez], Rodjun [Cruz], Solenn [Heussaff], Louise [delos Reyes], Alden [Richards],” paglalahad niya. “Si Alden [Richards], siya ang leader namin.”

Nang tanungin namin kung ano ang naramdaman niya nu’ng ni-reshuffle ang original Tweet Hearts, “For me talaga, ayoko eh, pero walang magagawa, malakas ‘yung Tropang Trending. Kaya hiwa-hiwalay na kaming original, mahal ko pa naman ‘yun.”

Nalungkot ba siya ng husto sa nangyari? “Oo naman,” ang mabilis niyang sagot.

Matatandaan na sa cycle one ng ‘Sunday All Stars’ naging tampulan ng tukso sina Julie Anne at Ruru. Biniro namin siya na dahil hindi na niya ka-grupo ang Kahit Nasaan Ka Man lead actress kaya siya nalungkot.

“Hindi, Siyempre, isa na rin ‘yun pero lahat sila. Lahat sila kasi minahal ko na silang lahat at saka magaan na ang loob ko sa kanila. So ito panibago na naman,” paliwanag niya.

“Eh, ako pa naman mahiyain sa simula pero habang tumatagal lalo ako nagiging ano.. guwapo,” biro pa niya. “Siyempre, hindi ko naman sila ka-close eh. Dapat sila lumapit sa akin.”

Ano naman kaya ang masasabi niya sa bagong leader ng Team Tweet Hearts?

“Si Alden [Richards], akala ko loko-loko lang na kaibigan, pero sobrang mahal niya pala ang pagka-leader niya, ‘yung tipong tatawagan niya lahat, ‘Uy, attend kayo may meeting tayo... Sige,Kung kinakailangan ko gumastos, gagastos ako.’ Sa pagkaleader talagang magaling siya.”

Dagdag pa niya,“Sabi niya nga na ‘kung dati si Ruru parang ginagawang katatawanan sa ‘Sunday All Stars’, ako ‘di ko siyang gagawing ganun, pakikita ko sa kanila ‘yung kakayahan mo. ‘Yun ‘yung sabi niya sa akin so natutuwa ako.”

Buo ang tiwala at paghanga ni Ruru sa kanilang bagong leader at members kaya kumpiyansa siyang mapapanalo nila ang kanilang performances every Sunday, “Malaki ang possibilities na manalo kami. Malaking chance, kasi magaling si Alden[Richards] mag-lead. And of course, ‘yung mga members ng team namin, magagaling lahat.”

Panuorin si Ruru Madrid at ang Tweet Hearts sa nag-iisang celebrity showdown tuwing linggo, ang Sunday All Stars pagkatapos ng Eat Bulaga. Mapapanuod din si Ruru sa Dormitoryo at gabi-gabi sa Akin Pa Rin ang Bukas sa GMA Telebabad.

Para sa mga updates kay Ruru at ng iba pang Kapuso stars at shows, bumisita lagi sa www.gmanetwork.com. -- Text by Eunicia Mediodia, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com.