TV

SexBomb Aira Bermudez at Jopay Paguia, hahataw sa 'The Boobay and Tekla Show'

By Dianne Mariano

Ihanda n'yo na ang inyong groovy moves dahil babalik tayo sa '90s para sa isang gabing punong-puno ng saya at throwback dance hits na handog ng The Boobay and Tekla Show ngayong Linggo.

Tiyak na makakaramdam kayo ng nostalgia sa special episode na ito dahil makakasama nina Boobay, Tekla, at Mema Squad ang dalawang dance floor divas na sina SexBomb Aira Bermudez at Jopay Paguia-Zamora.

Sina Aira at Jopay ang magsisilbing lider ng dalawang teams na maglalaban sa comedy dance battle na “Ultimate Dance Challenge” kung saan pera, pride, at bragging rights ang nakataya rito.

Ang Team Jopay ay binubuo nina Boobay, Kitkat, at Ian Red habang ang Team Aira naman ay sina Tekla, Buboy Villar, at Pepita Curtis.

Ito ay impromptu, hindi ni-rehearse, at paniguradong magbibigay ng tuwa sa mga manonood. Kaninong dance moves kaya ma-i-impress ang mga hurado? Abangan lamang 'yan sa darating na Linggo!

Bukod sa sayawan, magkakaroon din ng isang throwback kwentuhan kasama sina Aira at Jopay sa segment na “May Pa-Presscon.”

Paano nga ba nag-iba ang buhay ng dalawang dance divas nang mapasama sa SexBomb Girls? At ano ang naging buhay nila matapos ito?

Bago magwakas ang nakatutuwang gabi, muling maghaharap at maglalaban ang Team Jopay at Team Aira sa segment na “Don't English Me.”

Kaabang-abang 'di ba? Huwag palampasin ang The Boobay and Tekla Show ngayong November 21, 10:30 p.m. sa GMA pagkatapos Kapuso Mo, Jessica Soho.

Samantala, muling kilalanin ang SexBomb Girls na certified mommies na ngayon sa gallery na ito.