TV

Jeremiah Tiangco at Pepita Curtis, nagwagi sa 'The Cash Duets: Dalawa laban sa lahat' ng 'TBATS'

By Dianne Mariano

Nasaksihan n'yo ba ang nakatutuwang parody ng The Clash na pinamagatang “The Cash Duets: Dalawa laban sa lahat” sa The Boobay and Tekla Show noong nakaraang Linggo?

Sa kaabang-abang na sing-off na ito, nagwagi sina The Clash Season 2 winner Jeremiah Tiangco at Kapuso comedian Pepita Curtis.

Bago pa man sila tanghalin na Ultimate Champions, kabilang din sa Cashers noong nakaraang Linggo sina I Left My Heart in Sorsogon star Jennie Gabriel, content creator Mygz Molino, at stand up talents na sina Kitkat at Ian Red.

Upang malaman kung sino ang magkakapares sa singing battle na ito, gumamit sina TBATS hosts Boobay at Tekla ng randomizer. Ang mga naging pairings ay sina Jeremiah at Pepita, Jennie at Mygz, at Kitkat at Ian Red.

Una nang sumalang sina Jeremiah at Pepita sa first round, kung saan inawit nila ang 2012 hit track ni Gloc-9 na “Sirena.” Sumundo naman dito sina Kitkat at Ian Red na kinanta ang awitin nina Regine Velasquez at Ogie Alcasid na “Hanggang Ngayon.”

Huli namang nagpamalas ng vocal prowess sina Jennie at Mygz nang kantahin nila ang “Bakit Ngayon Ka Lang” ni Ogie Alcasid.

Matapos lahat ng performances, isang surprising at kakaibang paraan ang ginamit upang malaman kung sino ang magwawagi: Ang Roleta ng Kapalaran.

Sa pamamagitan nito, tinanghal bilang third place sina Jennie at Mygz. Dahil punong-puno ng twists at surprises ang special episode na ito, walang nagwagi bilang second place.

Tinanghal naman bilang first place sina Jeremiah at Pepita ngunit mayroon pang twist para sa winning pair.

Isang surprise duo of challengers ang nakaharap nina Jeremiah at Pepita sa final round. Walang iba ito kung hindi sina Boobay at Tekla!

Sa huling round, inawit nina Jeremiah at Pepita ang “Cruisin'” ni Smokey Robinson, at kinanta ng comedy duo ang popular track ng bandang Journey na “Faithfully.”

Matapos ito, tinanghal na Ultimate Champion ng “The Cash Duets: Dalawa laban sa lahat” ang unang magkapares at sila'y nakatanggap ng medallion at bumunot ng kanilang cash prize na nagkakahalagang P300.

Tuloy-tuloy lang ang laughtrip at katuwaan tuwing Linggo! Tutukan ang The Boobay and Tekla Show tuwing Linggo pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho.

Samantala, muling balikan ang hottest “May Pa-Presscon” episodes ng The Boobay and Tekla Show noong nakaraang taon sa gallery na ito.