TV

Super Tekla, nakatanggap ng mensahe mula sa kanyang anak na si Aira

By Dianne Mariano

Espesyal na ipinagdiwang ni Kapuso comedian Teklaang kanyang 40th birthday sa The Boobay and Tekla Show noong nakaraang Linggo, January 16, dahil mayroong sorpresa at exciting segments na hinanda para sa komedyante.

Sa “Laugh-Lagan Na,” hindi napigilang maging emosyonal ni Tekla matapos makatanggap ng surprise call mula sa kanyang panganay na anak na si Theora Aira na nasa Bacolod.

Binati ni Aira ang kanyang ama ng happy birthday at sinabing mahal na mahal niya ito. Aniya, “Hindi porket umalis ako d'yan, hindi na kita mahal. Mahal na mahal kita, daddy.” Dagdag pa niya, “Magkikita rin tayo soon, daddy.”

Ayon sa komedyante, na-culture shock ang kanyang anak nang dalhin niya ito sa Maynila noon.

Kuwento niya, “Si Aira kasi na-culture shock siya dito sa Manila. Kumbaga, kinuha ko siya sa Bacolod na parang pinuwersa ko na binigla ko 'yung mundo niya na, 'Dito ka, 'nak.' Thinking ko, maa-absorb niya 'yung environment, 'yung pagkain.

“'Tapos, siyempre, nando'n 'yung circle of friends niya. Do'n siya halos lumaki from five years old until 12 years old. Mas gusto ko na rin nandyan siya sa Bacolod para maka-focus siya sa pag-aaral niya ng maayos.”

Isang mensahe rin ang hatid ni Tekla para sa kay Aira at sinabi, “Nak, alam mo naman 'yan. Hindi kita inoobliga na pahalagahan mo ako. Just connect, connect lang sa akin kung ano problema mo, nandito lang ako. Just chat me.”

Nang tanungin naman ni Ian Red kung ano ang nagpapasaya ngayon sa 40-anyos na komedyante, ito raw ay ang makita niyang stable at maayos ang buhay ng kanyang anak na si Angelo.

Aniya, “Magiging kampante lang ako at masaya ako na parang makakatulog ako ng maayos kapag nakikita ko 'yung anak kong stable at maayos. Si Angelo. Makita kong safe siya [at] healthy kahit may pinagdadaanan 'yung bata. Kapag hindi kasi 'yon maayos, parang habang buhay ko siyang dadalhin.”

Samantala, sumabak si Tekla sa larong “Puwedeng Judgmental,” kung saan kailangang hulaan ni Tekla kung sino sa six choices, na sina Jennie Gabriel, Boobsie Wonderland, Pepay, Kitkat, Ian Red, at Pepita Curtis, ang mayroong letter "T " sa kanang palad.

Tatlo ang naging tamang hula ng komedyante ngunit nagkamali ito sa huli dahil walang letrang T sa kanang palad ni Pepay. Dahil mali ang kanyang huling sagot, nilagyan ng guest comedian ang mukha ni Tekla ng mga colorful masking tape.

Iba't ibang maiinit na komentaryo naman ang ibinahagi ng TBATS hosts, Mema Squad, at guest comedians sa bagong segment na “Heto Na Nga, Marites…” Kabilang na dito ang rebelasyon ni Kapuso actor Ken Chan na totoong na-inlove siya kay Rita Daniela ngunit 70 percent lamang.

Tutukan ang The Boobay and Tekla Show tuwing Linggo sa GMA pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho.

Muling balikan ang hottest “May Pa-Presscon” episodes ng TBATS noong nakaraang taon dito.