TV

Ang pagbabalik-loob ni Sophia kay Earl


Kahit na mahirap sa akin, kahit unti-unti nang nawawala ang pagkatao ko, kailangan kong tiisin. Malaki ang utang na loob ko kay Earl. Siya ang kumupkop sa akin. Wala akong maalala sa aking nakaraan. Kaya sobra ang pasasalamat ko kay Earl sa ginawa niyang pag-aalaga sa akin.

Ikakasal na ako kay Earl. Bilang pagtanaw ng utang na loob, pumayag ako. Bumaligtad ang aking mundo nang nakilala ko si Rico. Iba ang naramdaman ko nang una ko siyang nakita. Hindi ko maipaliwanag pero sa tuwing kasama ko siya, masaya ako. Malaya ako. Kaya kong maging ako. Wala akong kinatatakutan. Masaya lang.

Mahal ko si Rico. Kabaligtaran ang nararamdaman ko para kay Earl. Mahal din ako ni Rico. Ngunit hindi pwedeng maging kami dahil malapit na ang kasal ko kay Earl. Nakahanda na ang lahat. Kahit labag sa aking kalooban, sinabi ko kay Rico na kalimutan niya ako. Tumigil na rin siya sa pagsuyo at pagkukumbinsi sa akin. Para na ako kay Earl. At para na rin siya kay Tessa.

Nakahanda na ang kasal. Konting tulog na lang at ikakasal na ako kay Earl. Ang bilis naman. Habang inaayos lahat, nilapitan ako ni Dindo, ang photographer namin para sa kasal. Sinabi niyang kilala niya ako. Ipinagtapat ko sa kanya ang kalagayan ko. Nagka-amnesia ako kaya wala akong maalala.

Sinabi sa akin ni Dindo na matagal ko nang gustong iwan si Earl dahil lagi niya akong binubugbog. Ipinakita pa niya ang pictures nang pambubugbog sa akin ni Earl. Galit ang naramdaman ko para kay Earl. Ang sama niya sa akin at lahat 'yun nakalimutan ko.

Hinarap ko si Earl. Ipinakita ko ang pictures na galing kay Dindo. Nakapaghiwalay na rin ako sa kanya. Walang kapatawaran ang ginawa niya sa akin noon. Hindi ko na siya kayang pakisamahan.

Pinuntahan ko si Rico. At sa wakas, malaya na akong mahalin siya. Malaya na kami. May namagitan sa amin ng araw na iyon. Walang sisidlan ang tuwa ko na makasama ang taong tunay kong mahal.

Ngunit isang tawag ang aking natanggap. Dala nito ang masamang balita. Naaksidente raw si Earl. Nag-alala ako sa kanya. Kahit na ganoon siya, malaki rin naman ang naitulong niya sa akin. Kailangan ako ni Earl. Kailangan niya ako sa tabi niya. Pinuntahan ko siya upang alagaan. Ngayon niya ako mas kailangan.

Iniwan ko si Rico dahil kay Earl. Pansamantala, nakalimutan ko ang sarili ko. Inisip ko si Earl. Mas kailangan niya ako kaysa kay Rico. Pero kaya ko nga bang iwan si Rico?


Hanggang saan ang kayang ipaubaya ni Sophia para kay Earl? Paano na ang pagmamahalan nila ni Rico? May pag-asa pa bang magkatuluyan sila? Sino ba sa dalawa ang nasa puso ni Sophia? Makakabalik pa ba si Maricar sa kanyang katauhan?

Alamin ang kasagutan ng pag-ibig na hindi pwedeng hiramin sa 'The Borrowed Wife' pagkatapos ng 'Innamorata' only on GMA Afternoon Prime. Abangan din ang pagbabalik ni Maricar sa buhay ni Rico ngayong linggo. Para sa latest, bumisita lagi sa www.gmanetwork.com.

-- Text by Eunicia Mediodia, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com.