TV

Ang mga di dapat palampasin sa finale ng ‘The Borrowed Wife’



Kapana-panabik na ang nangyayari sa The Borrowed Wife kaya hindi dapat palampasin ang finale nito. Ang inakalang patay na si Earl ay buhay pa pala at magbabalik para maghiganti sa pamilya nina Sophia at Rico. Mapaghihiwalay niya kaya silang muli?



Nang matunton ni Rico ang islang pinagtaguan ni Earl, pinagtangkaan ng huli ang buhay ni Sophia. Ginawa niya itong bihag para makalayo sa mga pulis pero nakatakas si Sophia at hinabol ng mga pulis si Earl.

Inakala ng lahat na patay na si Earl nang may makita na bangkay. Pero ang hindi nila alam ay hindi ito si Earl. 

Nang makabalik na sa Maynila, nakita ni Sophia si Earl pero hindi siya pinaniwalaan ni Rico. Inakala nilang namamalik-mata lang si Sophia dahil sa pinagdaanan nito. Akala rin ni Sophia namamalik-mata din siya kaya pinag-walang bahala niya ito.

Ginawang bihag ni Earl sina Tessa at Jenny. Kaya naman nang tumawag si Tessa kay Sophia, sinabi ng huli na pupunta siya ng ospital para maibalik ang kanyang dating mukha.

Dito nakakakuha ng oportunidad si Earl sa impormasyong kanyang nakalap. Ano kaya ang binabalak niyang gawin? Malalagay ba sa panganib si Sophia at ang kanyang pamilya?



At para sa dapat nating abangan sa pagtatapos ng The Borrowed Wife, kaninong abo ang pinakawalan nina Sophia, Nanay Seling at Rico sa dagat?

Alamin ang kasagutan sa finale ng The Borrowed Wife bukas pagkatapos ng Innamorata sa GMA Afternoon Prime. Para sa updates, bumisita lagi sa www.gmanetwork.com.

-- Text by Eunicia Mediodia, Photos by Elisa Aquino, GMANetwork.com