TV

Another kontrabida role for TJ Trinidad in 'The Borrowed Wife'


Katatapos lang ng GMA Telebabad show na Genesis, kung saan nakasama ng Kapuso Primetime King Dingdong Dantes si TJ Trinidad.

Ginampanan ni TJ ang character ni Paolo De Guzman, ang napangasawa ng character ni Rhian Ramos na si Raquel.

Sa kuwento ng nasabing soap, nagpakasal si Raquel kay Paolo dahil inakala niyang patay na ang kanyang mahal na si Isaak (Dingdong). Inako pa nga ni Paolo ang anak na bunga ng pagmamahalan ng dalawa.

Pero di kalaunan ay bumalik si Isaak at nakita niyang muli si Raquel kaya't nais niya siyang bawiin kay Paolo. Dahil dito, nagsimula nang maging masama si Paolo. Dumating pa nga sa puntong sinaktan niya ang asawa at inilayo ito kay Isaak.

Sobrang sama ng naging character ni TJ sa Genesis, nananakit siya ng ibang tao kung kinakailangan at iniisip niya lang ang kaniyang sarili. Pero sa huli, hindi nagtagumpay si Paolo na makuha si Raquel dahil napatay siya ni Isaak.

Wala pang isang buwan nang matapos ang Genesis ay mayroon na namang project si TJ sa GMA, ang The Borrowed Wife. Makakasama niya rito sina Camille Prats, Rafael Rosell at Pauleen Luna.

Tulad ng role niya sa Genesis, kontrabida na naman ang kaniyang gagampanan sa bagong GMA Afternoon Prime soap. Ang character ni TJ dito ay si Earl Villaraza.

“I play a cosmetic surgeon who moonlights as a photographer. I can say na may pagka-pyschopath talaga siya eh. But 'yun nga tahimik nga siya,” saad ni TJ.

Ayon pa sa aktor, mayroong pagkakahawig ang characters nina Paolo at Earl. Pareho raw silang mabait sa umpisa pero magiging masama kapag aagawin na sa kanila ang minamahal.

Kung sa Genesis ay binawi si Raquel kay Paolo, mauulit ito dahil hiniram lang ni Earl ang character ni Camille na si Maricar na pagmamay-ari na ng iba. “Hindi siya papayag na hindi mangyari 'yung gusto niya. Nanghiram ako pero walang paalam. Parang ganoon 'yung nangyari eh, hindi ako nagpaalam. Kaya nagkagulo ang lahat,” ani TJ.

Pero kuwento ng Kapuso actor, kahit daw parehong kontrabida ang character niya sa magkasunod niyang projects, mayroon naman daw silang kaunting pagkakaiba. “Mas tahimik siya (Earl). ‘Yung nag-iipon ng galit. Kina-calculate niya 'yung lahat. Very unpredictable na kapag umabot doon sa point na puputok siyang parang bulkan,” aniya.

Abangan si TJ Trinidad kasama sina Camille Prats, Rafael Rosell at Pauleen Luna sa The Borrowed Wife, ngayong January na sa GMA Afternoon Prime. – Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com