TV

TJ Trinidad, hindi nahirapan sa transition nina Charee Pineda at Camille Prats


Isang malaking transition ang naganap sa The Borrowed Wife nang pumasok sa eksena si Kapuso actress Camille Prats bilang Sophia. Matatandaang ang dating mukha at katauhan ni Sophia ay si Maricar – ang character na ginampanan ni Charee Pineda.

Nangyari ang pagpapalit ng personalidad ni Maricar dahil nagkaroon siya ng amnesia. Bukod pa rito, nasira rin ang kanyang mukha noong nasunog ang kuwartong tinutuluyan niya sa isang resort.

Sinamantala ni Earl (TJ Trinidad) ang kalagayan ni Maricar at nagpakilala siya bilang katipan nito. At dahil isang cosmetic surgeon si Earl, gumawa siya ng paraan para mabago ang mukha ni Maricar. Mula noon ay pinilit na ni Earl na buhayin ang katauhan ng dating nobya sa katawan ni Maricar. Pinangalanan niya si Maricar na Sophia.

Dahil sa istorya ng The Borrowed Wife, kinailangan ng show na magpalit ng artista dahil iba na ang mukha ni Maricar. Nagkaroon ng transition sa mga artista kaya’t pinalitan ni Camille si Charee.

Dahil sa naganap na malaking transition, itinanong ng GMANetwork.com kay TJ kung nahirapan ba siya sa pagpapalit ng kanyang leading lady. “Since I was the reason why there was a change, my character was responsible for it so it was easy for me,” sagot ng aktor.

Kuwento ni TJ, ito raw ang unang beses na nagkasama sila ni Charee sa trabaho. “She's very easy to work with because she's a very good actress. It was great. It was refreshing to work with new people. So I'm very glad that I had a chance to work with her,” aniya.

Nang palitan na raw ni Camille si Charee, hindi na raw siya masyadong nag-adjust dahil nakatrabaho niya na dati ang aktres. “It's always fun to work with her. I worked with her before, the first is in Magpakailanman,” saad ni TJ.

Dagdag pa TJ, sobrang bait daw ni Camille at maituturing niya itong isang professional na aktres dahil sa galing nitong umarte. Napapadali raw ang trabaho niya dahil nadadala ni Camille ang aktor sa scenes na sinu-shoot nila.

Sa huli, sinabi ni TJ na kung tutuusin daw ay mas mahirap kay Camille ang nangyaring transition sa show dahil kailangan niyang magkaroon ng similarities sa character na ginampanan noon ni Charee na si Maricar.

Patuloy na subaybayan si TJ Trinidad bilang Earl sa The Borrowed Wife, weekdays after Magkano Ba Ang Pag-ibig? on GMA Afternoon Prime.

– Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com