TV

Law student na taga Parañaque, bakit sa Pangasinan nag-audition para sa 'The Clash?'

By Jansen Ramos

Sa aming panayam sa The Clash hopefuls, nakilala namin si Janina Gonzales, isang fourth year law student sa San Beda College Alabang.

Kung titingnan ay tila isang normal na auditionee si Janina na nangangarap na makilala sa larangan ng pagkanta, pero bumilib kami sa kanyang determinasyon matapos namin siyang makakwentuhan.

Nakatira ang 24-year-old law student sa Parañaque pero dumayo pa siya ng Pangasinan para lang makapag-audition dahil may conflict sa kanyang schedule noong idinaos ang Metro Manila auditions ng The Clash.

Kwento ni Janina, "Dumayo po ako ng Pangasinan kasi po 'yung time po na nag-schedule po ng audition, may exam po ako.

"'Yung audition lang po sa Pangasinan 'yung time na pwede po ako kasi may summer classes din po ako ng June, so hindi po kaya [na rito sa Metro Manila mag-audition.]"

Nagbunga naman ang effort ni Janina dahil kabilang siya sa Top 64 Clashers.

Saad niya, "Hindi ko naman po talaga akalain kasi no'ng dumayo po kami sa Pangasinan, marami rin po nag-audition tapos umuwi po ako nang maaga.

"Hinahanap pa po ako tapos kailangan pa pala ng callback form na hindi ko po na-fill-out-an.

"Buti nag-email po sila."

Kung sakaling manalo sa The Clash, handa kayang iwan ni Janina ang law school para pagtuunan ang kanyang singing career, lalo pa at isang taon na lang ay ga-graduate na siya?

Sagot niya, "Law school will always be there and ito po 'yung chance to be able to get in The Clash."

Diin pa niya, "Hindi po 'yun nabibigay sa kahit kanino.

"I will really put this first if mabigyan ng chance."

Kung inyong maaalala, kabilang si Janina sa singing group na So Wat? na binuo ni Rey Valera para sa Protégé: The Battle for the Big Break noong 2011. Kasama ni Janina rito sina Kyrsty Alde, Sander Sigurdson, at Ermund Regacion.

Ngayon na lamang ulit susubukan ni Janina ang kanyang kapalaran sa singing competition makalipas ang eight years. Ano kaya ang kanyang naging motivation para bumalik sa kanyang first love, ang singing?

Sagot niya, "Passion po talaga.

"Do'n sa eight years na 'yun kahit na nag-stop ako, on the side, hahanap hanapin mo."

Mahanap na kaya ni Janina ang kanyang suwerte?

Subaybayan ang kanyang journey sa The Clash, simula September 21 na sa GMA.