TV

Aiai Delas Alas, hindi na nabigla nang ma-bash ang kanyang 'How You Like That' cover sa 'All Out Sundays'

By Jansen Ramos

Natuwa si Comedy Queen Aiai Delas Alas nang mag-trend sa social media ang kanyang "How You Like That" song cover sa All Out Sundays kamakailan.

Maraming natuwa sa production number ng komedyante ngunit nangibabaw pa rin ang mga hindi magagandang komento tungkol dito.

Ayon sa panayam kay Aiai ng ilang entertainment reporters sa virutal mediacon ng The Clash Season 3 kahapon, September 30, sinabi niyang hindi na siya naaapektuhan ng pamba-bash dahil sanay na siya makatanggap nito.

"Natutuwa ako kasi nagte-trending ako so ibig sabihin, pinapansin nila ko 'pag nag [Ko-kore-Korean] ako," nakangiti niyang sambit.

Ganito rin daw ang reaksyon ni Aiai kapag hindi sinang-ayunan ng madla ang kanyang pagdya-judge sa The Clash. Imbes na dibdibin, hindi na lang niya pinapasin ang mga negatibong komento tungkol sa kanyang judging style.

Ika niya, "Kahit naman maganda 'yung sabihin mo, may sinasabi pa rin sila, e. Kunwari 'yung crucial na, ibibigay nila 'yan sa 'kin kasi alam nila kaya ko 'yung bashers."

Biro pa niya, "Tsaka sanay na ko na bina-bash ako, taga-salo ng masasakit na salita."

Ani Aiai, pinatatag ang kanyang loob ng mahigit tatlong dekada niya sa industriya kaya minarapat na lang niyang magpakatotoo.

"Sa dami ng taon namin sa industriya, sa totoo lang, no'ng nauso 'yang social media sa experience ko, kahit anong ganda ng intensyon mo o kahit anong ganda ng gusto mong ibigay sa kanila, tumulong ka, charity, o mag-comment ka, wala, e.

"Marami pa rin silang sinasabing 'di maganda sa 'yo so might as well be yourself.

"Ito 'yung gusto kong sabihin, ito 'yung totoo so ito 'yung sasabihin ko."

Magbabalik si Aiai bilang parte ng The Clash panel kung saan kasama niya sina Lani Misalucha at Christian Bautista.

Mapapapanood ang bagong season ng GMA singing competition simula Sabado, October 3, sa GMA-7.