TV

Julie Anne San Jose at Rayver Cruz, inilahad ang mga pagbabago sa 'The Clash'

By Jansen Ramos

Bilib sina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz sa produksyon ng The Clash dahil muli itong nagbukas ng bagong season sa kabila ng pandemya.

Ayon sa panayam sa Clash Masters noong virtual media conference ng programa kamakailan, sinabi nilang wala naman pagbabago sa feel ng kompetisyon.

Sadyang kailangan lang nilang sumunod sa mga health and safety prootocols, gaya ng monthly swab testing, bilang pag-ingat sa COVID-19, na bagay na na-a-appreicate ng dalawa.

Pahayag ni Rayver, "Napa-proud lang ako sa team ng The Clash kasi talagang na-a-apply 'yung mga safety protocols kahit kami sa studio 'yung mass gathering [naiiwasan], pati 'yung social distancing sa bawat isa [nasusunod], and 'yung mga auditions, online lang."

Dugtong niya, "Thankful kami sa GMA, of course, back to work na kami lahat. Nakakatuwa lang kasi sa kabila ng mga pagsubok, na-e-execute nang maganda kung paano 'yung The Clash Season 3. For me, parang mas solid pa nga, e."

BIang pag-a-adapt sa new normal, ang kapansin-pansin daw na pagbabago sa kompetisyon ay ang pagsisimula ng main battle nito sa 30 kalahok, na mahigit kalahati sa nakagawiang top 64.

Paliwanag ni Julie Anne, "From 64 Clashers, ngayong seson three po, nagpapasok po kami ng 30 kasi, 'yun nga, since nagkaroon nga ng pandemic, medyo nagkaroon din kami ng struggle. We had to do the online auditions po."

Gayunpaman, consistent pa rin daw ang The Clash sa pagsasagaawa ng mga pakulo na talagang namang kaabang-abang.

Ani ng Asia's Pop Diva, "Meron lang mga bagong pakulo or meron lang mga bagong plot twist which we're really, really excited about kasi kami bilang Clash Masters.

"Parang everytime na nagbe-briefing kami or everytime na mayroong pakulo na sinaasabi sa 'min, mas na-e-exicte din kami at nagugulat din kami."

NO STUDIO AUDIENCE

Katulad ng All Out Sundays at ng iba pang programa, minabuti rin ng management ng The Clash na suspindihin this season ang pagpapasok ng studio audience para maiwasan ang contact activities.

Sa kabila nito, ini-upgrade naman daw ang set design ng stage para maramdaman ang "clash" kahit na wala munang maririnig na hiyawan mula sa audience, ayon kay Rayver.

"Wala man fans ngayon sa studio pero, as you can see, 'pag napanood ny'o, iba na naman 'yung setup ng stage. Mas lumaki siya, mas na-maximize 'yung stage. Iba na naman 'yung mga LEDs."

Para kay Julie Anne, may epekto raw ang kawalan ng studio audience sa pagho-host ng isang reality show.

Sambit niya, "Nakakapanibago rin kasi no'ng last season, ang taas ng adrenaline talaga like and'yan 'yung family nila. Tapos, may live audience.

"Ando'n pa rin naman 'yung energy pero iba pa rin talaga 'yung adrenaline kapag may audience ka sa loob ng studio."

Gayunpaman, sisiguraduhinn naman daw nila ni Rayver na mabibigyan nila ng hustisya ang pagho-host ng The Clash ngayong season.

Dugtong ni Julie Anne, "But then again, of course, we're doing our best din po para ma-execute namin ng mas maganda, mas mabuti."

Bukod kina Julie Anne at Rayver, magbabalik din bilang Journey Hosts sina Ken Chan at Rita Daniela. Samantalang, sina Aiai Delas Alas, Christian Bautista, at Lani Misalucha pa rin ang The Clash judges.

Mapapanood sa GMA-7 ang bagong season ng The Clash tuwing Sabado, 7:15 p.m., at Linggo, tuwing 7:45 p.m. simula October 3.

May livestream din ito sa Facebook page at YouTube channel ng programa.