TV

Renz Robosa, puso ang panlaban sa 'The Clash'

By Jansen Ramos

Puso ang matinding panlaban ni Renz Robosa sa The Clash Season 3.

Si Renz ang nag-iisang lalaki na nakapasok sa Final 6 kasama sina Jennie Gabriel, Sheemee Buenaobra, Larnie Cayabyab, Jessica Villarubin at Fritzie Magpoc.

Bukod sa voice quality at power, tamang emosyon ang isa pang quality na pinaniniwalaan ni Renz na magpapapanalo sa kanya sa grand finals.

Ayon sa binansagang "Pambatong Papa ng Pangasinan, "Sisiguraduhin natin na hindi lang tayo kumakanta, bumibirit, kailangan ando'n pa rin 'yung tamang emosyon, tamang puso para mas ma-deliver natin 'yung message no'ng song."

Marami nang nasalihang singing contest si Renz. Ilan lamang diyan ang Bet ng Bayan ng GMA at Just Duet ng Eat Bulaga.

Kahit papaano, na-build na niya ang kanyang TV presence dahil umabot siya sa grand finals ng Bet ng Bayan.

Tumatak din siya sa The Clash judge na si Christian Bautista dahil naka-duet niya ang ngayo'y Clasher sa Just Duet.

Gayunpaman, patuloy pa rin ang pagsali ni Renz sa singing competition hangga't hindi nakukuha ang inaasam na pangarap: ang makilala bilang isang magaling na singer.

Aniya, "Marami na rin ako naging experience. Almost 20 years na rin yata akong kumakakanta sa events, sa contests. 'Yun po 'yung masabi ko kung bakit nagiging consistent 'yung performance ko sa The Clash."

Mapapanood ang finals ng third season ng The Clash ngayong Sabado, December 19, 7:15 p.m., at Linggo, December 20, 7:45 p.m., sa GMA-7.

Kung hindi n'yo man ito mapanood sa telebisyon, may livestreaming ang The Clash sa Facebook page at YouTube channel ng programa.