TV

Jong Madaliday, pinagsisihan nga ba ang piniling final song sa 'The Clash'?

By Jansen Ramos

Muling napanood ang finale night ng The Clash Season 1 sa TV special na The Clash Flashback Specials noong Linggo, April 18. Ipinalabas ang grand finals ng unang season ng GMA singing competition noong September 30, 2018.

Nagkaroon ng live commentary ang Clash Masters na sina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz kasama ang top two finalists ng The Clash Season 1 sina Golden Cañedo at Jong Madaliday.

Sa 'Ultimate Final Clash,' inawit ni Golden ang "Ikaw Ang Pangarap" nina Martin Nievera at Raki Vega, samantalang inawit naman ni Jong ang "Roses" ng The Chainsmokers.

Kung tutuusin, pumili si Jong ng hindi pang-singing contest na final song. May pinagsisihan nga ba siya rito?

Sagot niya, "Wala akong pinagsisihan do'n, kumportable ako kasi parang na-inspire ako kay Chris Brown. Ang mga nag-influence sa 'kin kumanta, sumayaw sina Chris Brown, Ed Sheeran, Justin Bieber. Parang feeling ko talaga nagko-concert ako that time, parang wala akong pinagsisihan."

Ayon pa kay Jong, goal niya raw mag-enjoy ang audience sa kanyang performance kaya electronic dance music ang kinanta niya.

Ito ay matapos niyang kantahin ang ballad na "Jealous" ng British singer-songwriter na si Labrinth sa final five round kung saan nakatunggali nila ni Golden sina Mirriam Manalo, Josh Arnardo at Garrett Bolden.

Dugtong niya, "Pagkatapos ko silang palungkutin, gusto ko namang maging masaya sila sa huli. May kwento 'yun e, kasi 'pag malungkot na lang lagi 'yung kakantahin mo, lugi tayo do'n."

Diin pa niya, "Never kong pinagsisihan na sana malungkot na lang 'yung kinanta ko para nanalo ko, never kong iniisip 'yun. Talagang good vibes dapat."

Ani Jong, sapat na raw na nasaksihan ng kanyang pamilya ang kanyang The Clash journey kahit hindi siya pinalad na manalo.

Pahayag ng North Cotabato trending Rnb star, "That time no'ng sasalang na ko, halo-halo 'yung emosyon ko e. Parang kinakabahan na hindi, parang ine-enjoy ko lang talaga. As in, 'di ko naman inisip na manalo kasi parang masaya na ko nando'n 'yung pamilya ko. 'Di ko naman talaga inaakala na aabot ako sa final clash. Sa awa ng Diyos, ni Allah, nakatapak ako sa The Clash stage."

Panoorin ang panayam nina Julie Anne at Rayver kay Jong sa video sa itaas. Kapag hindi ito naglo-load nang maayos, maaari itong i-stream dito.

Bukod sa pagkanta, abala rin ni Jong sa pagba-vlog sa YouTube ngayong COVID-19 quarantine.

Sa ngayon, mayroon na siyang 487,000 subscribers sa kanyang channel kung saan ina-upload niya ang kanyang song covers, Omegle pranks at iba pang content.

Maliban kay Jong, maraming celebrities, tulad nina Heart Evangelista, Gabbi Garcia, Michael V, at Jak Roberto, ang pinasok na rin ang vlogging noong 2020 kung kailan nalimitahan ang events at shows sanhi ng pandemya.

Narito ang listahan: