TV

Lani Misalucha, babalik na bilang judge sa The Clash Season 4

By EJ Chua

Sa papalapit na The Clash Season 4, masayang ibinahagi ni Asia's Nightingale Lani Misalucha sa Unang Hirit barkada na muli siyang babalik bilang judge sa GMA's Greatest Singing Battle.

“Mabuti naman ang kalagayan ko, pati na rin ang husband ko. Okay naman kami pero, siyempre, tulad nung kasabihan na kapag binagyo ka, medyo may iniwang damage 'yung bagyo. Parang ganon ang nangyari sa amin.”

Noong 2020, isinapubliko ni Lani Misalucha ang tunay na naging dahilan ng paghinto niya bilang isang judge sa The Clash Season 3.

Aniya, “Bingi po talaga ang nangyari sa akin, sa right side ko, sa aming mag-asawa. At mayroon po kaming vestibular dysfunction kaya kailangan namin ng alalay lagi.”

Ayon sa OPM icon, nagkaroon siya ng bacterial meningitis kaya ilang araw din siyang na-confine sa ICU ng isang ospital.

Dahil sa naging kalagayan, ilang trabaho at naka-line up na shows ang kailangang i-cancel ni Lani.

Nilinaw ng singer na hindi siya tinamaan ng COVID-19 tulad ng unang mga balita tungkol sa kanya.

Sa isang interview, ipinahayag ni Lani ang lungkot na kanyang naramdaman sa pansamantalang paghinto bilang isa sa judges.

“Na-miss ko ang The Clash, na-miss kong mag-work. Na-miss ko kayo dahil you've been all good to me.”

Ipinaabot rin ni Lani ang lubos na pasasalamat sa lahat ng nagdasal para sa kanyang mabilis na paggaling.

“Nagpapasalamat ako sa Panginoong Diyos dahil buhay ako, buhay kaming mag-asawa (Noli). Maraming salamat po sa lahat ng mga kaibigan at pamilya ko at supporters ko. They've been praying for me and I know that.”

Kasunod ng kumpirmasyon na makakabalik na si Lani Misalucha bilang judge, ibinahagi rin niya ang ilang expectations sa magiging The Clash Season 4 Champion.

“Ganon pa rin naman ang gusto ko, mayroong unique na boses, 'yung nandoon 'yung maganda ang pag-deliver ng kanyang pagkanta na parang lahat ng emotions nandoon. Kung ano 'yung nararapat na emotions sa kanta, nandoon 'yung maibibigay niya. Ganon pa rin ang hanap ko, uniqueness sa voice and sa performance.”

Ilan sa co-judges ni Asia's Nightingale Lani Misalucha ay sina Filipino film and television actress Ai-Ai delas Alas at ang Filipino singer-host na si Christian Bautista.

Photos courtesy: theclashgma (IG)

Abangan ang pagbabalik ng GMA's Greatest Singing Battle, ang The Clash Season 4.