TV

Iligan City's Mariane Osabel is 'The Clash 2021' grand winner

By Jansen Ramos

Itinanghal ang binansagang Ultimate Siren ng Iligan na si Mariane Osabel bilang The Clash 2021 grand champion.

Ito ay matapos niyang talunin ang Kulot Crooner ng Pampanga na si Vilmark Viray sa final one-on-one clash ng singing competition ngayong Linggo, December 19.

Sina Mariane at Vilmark ang nagtapat sa huling round dahil sila ang hinirang na top two Clashers matapos ang laban nila sa kanilang kapwa finalists na sina Julia Serad, Mauie Francisco, at Lovely Restituto sa 'Round 6: Matira ang Pinakamatibay.'

Sa 'Final Clash,' kinanta nina Mariane at Vilmark ang original compositions mula sa The Clash songwriting challenge.

Inawit ni Mariane ang "Bakit Mahal Pa Rin Kita" ni Harish Joya, samantalang inawit naman ni Vilmark ang "Umuwi Ka Na" ni Christian Paul Rosa.

Matapos ideklarang bagong The Clash grand champion, emosyonal na pinerform ni Mariane ang kanyang winning piece na "Bakit Mahal Pa Rin Kita" bilang kanyang victory song.

Bilang Season 4 winner, makakatanggap si Mariane ng prize package na mahigit apat na milyong piso ang halaga. Kabilang diyan ang exclusive management contract sa GMA-7, Php 1 million in cash, at house and lot mula sa Camella na worth Php 2.3 million.

Si Mariane ang ikaapat na The Clash grand champion matapos sina Golden Cañedo, Jeremiah Tiangco, at Jessica Villarubin.