TV

Jean Garcia on Alden Richards: 'Mas mabait pa lalo'

By Nherz Almo

Excited na si Jean Garcia na makatrabaho muli si Alden Richards.

Jean Garcia

Sa pangalawang pagkakataon ay gaganap si Jean bilang ina ng Kapuso actor.

Una itong nangyari sa One True Love (2012). Bago ito ay nagkatrabaho na rin sila sa Alakdana (2011).

“I'm excited. Ito yata yung marami kaming eksena kasi mag-ina kami rito,” sabi ni Jean tungkol sa The Gift.

“Mag-ina rin kami sa One True Love pero sa una, akala ko si Louise [delos Reyes] ang anak ko, yun pala sa ending na na-reveal na siya ang anak ko. Hindi kami masyadong nagkasama kasi.”

Dahil sa ilang beses na niyang nakatrabaho si Alden, pinatunayan ni Jean ang pagiging mabuting tao ng aktor.

Aniya, “Gusto ko lang sabihin, hindi dahil sa katrabaho ko si Alden, si Alden is one of my favorite young actors na nakatrabaho ko.

“Because he's a good actor, that's one. Two, napakabait na bata, sobrang bait.

“Naging close din kami during One True Love.

“Dumating sa point na nagluluto sila sa bahay, 'tapos dadalhin sa set, at ibibigay sa akin, pinapauwi sa akin.”

Dahil dito, ayon kay Jean, deserve ni Alden ang success na tinatamasa niya ngayon sa kanyang showbiz career.

“Deserving talaga si Alden diyan,” sabi ng Kapuso actress.

“Alam mo, mabuti 'yan sa mga kapamilya niya, mabuti 'yan sa mga kaibigan niya, mabuti 'yan sa mga katrabaho niya.

“Alam mo, sabi ko nga, mabait na 'yan nang makatrabaho ko siya sa Alakdana at saka sa One True Love.”

Kasunod nito, binanggit ni Jean ang nakita niyang pagbabago sa binatang aktor.

Aniya, “Ngayon, kung tatanungin n'yo sa akin, mas bumait pa siya.

“Honestly, parang mas open siya sa mga tao ngayon, mas very thankful siya, grateful siya.

“Doon niya dinadaan sa pakikisama at sa pagiging mabuting tao.

“Mas mabait pa lalo si Alden, nakikita ko talaga.”

Samantala, kung mayroon daw siyang hindi malilimutan tungkol kay Alden, ito ay nang bansagan siyang “madam” ng aktor.

Kuwento niya, “Siya lang yung nagsabi na, noong pictorial namin, 'Si Madam ang kauna-unahan at huli kong tatawaging madam.'

“Wala na raw siyang tinatawag na madam.

“Kumbaga, yung respeto, yung tawagin ka ng isang tao ng isang name at sa 'yo lang 'yon… at Alden Richards naman 'yon, di ba?”

Bukod kay Jean, makakasama rin ni Alden sa The Gift sina Jo Berry, Mikee Quintos, Martin del Rosario, Rochelle Pangilinan, Christian Vasquez, at Elizabeth Oropesa.

Abangan ang The Gift sa GMA Telebabad, malapit na!