TV

Jean Garcia, hindi nagulat sa tagumpay ni Alden Richards

By Marah Ruiz

Tila reunion project para sa respetadong aktres na si Jean Garcia at Asia's Multimedia Star Alden Richards ang upcoming GMA Telebabad series na The Gift.

Jean Garcia

Unang nagkatrabaho ang dalawa sa Alakdana noong 2011 at gumanap na mag-ina sa One True Love noon namang 2012.

Sa The Gift, gaganap si Jean bilang si Nadia, ang ina ni Sep na karakter naman ni Alden. Magkakawalay ang dalawa at mawawalan ng pananampalataya si Nadia. Gayunpaman, patuloy niyang hahanapin ang anak.

Jean Garcia as Nadia in 'The Gift' | Teaser

"Isang eksena pa lang kami, 'yung sa Quiapo, nagba-blocking pa lang si direk [LA Madridejos], pinipigilan na niya kami na 'Oh parang naiiyak na kayong dalawa.' Maski sa pictorial namin, nag-iyakan din kami. Magkayakap kaming ganyan," kuwento ng aktres tungkol sa chemistry nila ni Alden.

Bukod sa pagtatrabaho nila noon sa ibang mga programa, naging ugat din ng kanilang chemistry bilang mga aktor ang kanilang pagkakaibigan.

"Iba lang siguro 'yung pakiramdam ko kasi parang pamilya ko talaga itong si Alden sa totoo lang. Natutuwa ako dahil mas magaling na artista pa siya ngayon at kung mabait siya noon, mas mabait pa siya ngayon," aniya.

Dahil sa dedikasyon ni Alden sa pag-arte, hindi na daw nagulat si Jean sa tagumpay at kasikatang tinatamasa nito ngayon.

"Nakita ko kung papano nag-grow siya as an actor. Noon pa man, magaling na talaga siyang umarte. Isa siya sa paborito ko na young stars dito sa GMA," pahayag ni Jean.

WATCH: Alden Richards reveals anxieties about remaining relevant

Lalo pa siyang humanga dito dahil nananatili daw humble si Alden.

"Sa totoo lang, hindi naman po nangyayari sa lahat ng artista natin na sumisikat eh nakakalingon po kung saan ang pinanggalingan. Si Alden po, hindi niya nakalimutan 'yun.

"Hindi siya nakalimot. Mas in-improve pa niya 'yung attitude niya, lalong lalo na pagdating sa trabaho niya. Bilib po talaga ako sa kanya," paglalarawan niya kay Alden.

Abangan ang kapalaran ng ng kanilang karakter na sina Sep at Nadia sa world premiere ng The Gift, September 16 na sa GMA Telebabad.