TV

Barbie Forteza, inamin na ang tunay na relasyon kay Derrick Monasterio

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com

Ilang beses nang nagtambal sina Kapuso actors Barbie Forteza at Derrick Monasterio. Dahil dito, marami na ang nagtatanong kung mayroon na bang nabuong relasyon sa kanilang dalawa.

Naunang magkatrabaho sina Barbie at Derrick sa Tween Hearts ngunit hindi sila love team dito. Nabuo lang ang DerBie nang pagtambalin sila sa Luna Blanca. Pagkatapos nito, tila nakitaan ng chemistry ang dalawa kaya’t sunod-sunod na ang projects na magkasama sila.

Sa remake ng hit teleserye na AnnaKarenNina, nag-mature na ang love team nina Barbie at Derrick. Ginampanan ni Barbie ang palaban na character na si Karen. Ang role naman ni Derrick ay si Aldrin na naging love interest ng dalaga.

Mapa-drama man o comedy, tinatangkilik pa rin ang DerBie. Kaya naman sa ikalawang season ng Vampire Ang Daddy Ko ay kabilang na ang dalawa sa cast members ng sitcom. Kung na-miss ninyo naman ang dalawa sa drama, mapapanood ninyo silang muli sa The Half Sisters.

Dahil nga marami ang kinikilig sa dalawa, marami tuloy ang nagtatanong tungkol sa estado ng kanilang relasyon. Sa interview ng GMANetwork.com kay Barbie, sinagot na niya ang matagal nang hinihintay ng kanilang fans.

“Hindi [kami magkarelasyon],” pahayag ni Barbie.

Ipinaliwanag ni Barbie kung bakit hindi nag-level up ang love team nila ni Derrick in real life. “Mas nakakailang pa kung kami eh. Okay naman siya. Buo na 'yung isip ko na as in best of friends lang kami,” saad niya.

Ayon kay Barbie, may isang bagay lang daw na hinding-hindi nila maide-deny. “Aminado kami na kapag hindi kami ang magkasama, tahimik kami. Kapag kami lang dalawa, at saka kami nag-iingay. Saka kami, nagiging kami [kapag magkasama kaming dalawa]. Best of friends talaga.”