TV

Jean Garcia, kinatatakutan ng teen stars?

By AL KENDRICK NOGUERA



Wala talagang kokontra kapag sinabing beterano at napakagaling na aktres si Jean Garcia. Sa katunayan nga ay dahil dito, intimidated sa kanya ang teen stars at co-actors niya sa The Half Sisters na sina Barbie Forteza, Thea Tolentino, at Derrick Monasterio.

Nang tanungin ng GMANetwork.com ang teen stars ng show kung kaninong veteran actor sila takot maka-eksena, isang pangalan lang ang narinig namin mula sa kanila – Miss Jean Garcia.

Derrick Monasterio

Alam na alam na ni Derrick ang sagot ng kanyang kapwa teen stars. “Feeling ko pare-pareho lang kami ng sasabihin dito - Miss Jean Garcia,” pahayag niya.

Nakatrabaho niya na raw si Jean dati pero hanggang ngayon ay hindi pa rin daw niya nakukuha ang kiliti nito. Kuwento niya, “Halimbawa kapag offcam, tina-try ko siyang biruin pero parang walang nangyayari, so ano na agad 'yon, minus points. (laughs).”

Wish daw ni Derrick na sana naman sa bago nilang show ay maging close na siya sa veteran actress. Hindi niya raw kasi nagawa ito noong nagsama sila sa Alice Bungisngis.

Barbie Forteza

Ayon naman kay Barbie, hinding-hindi niya makakalimutan si Jean. “Kasi si Miss Jean Garcia, siya po ang unang-unang kong nakatrabaho talaga sa Stairway to Heaven. Sa kanya rin ako nakatikim ng unang sampal nang limang beses,” bahagi niya.

“Nakatrabaho ko na po siya at nakilala ko na po siya. I know my limits na,” pahayag ni Barbie.

Dagdag pa niya, pinipigilan niya naman daw makaramdam ng takot sa batikang aktres. Saad niya, “Kasi talo ako kung magpapauna ako sa intimidation. Kaya mas pinipilit ko na gawin na lang [‘yung] tama para hindi na ako mapahiya, para hindi na magpaulit-ulit [ang mga eksena namin].”

Thea Tolentino

Ani Thea, natatakot siya kay Jean dahil sa aura nito. “May aura na talaga siya eh. Unang tingin pa lang, may mararamdaman ka na eh na 'Uy kakabahan na agad ako!' Tapos kapag eksena, siyempre parang kailangan kong galingan. So nape-pressure ako,” kuwento niya.

Dagdag pa ni Thea, “Naka-eksena ko siya last taping tapos talagang kabado ako.”

Pero ayon kay Thea, hindi naman daw nagkukulang si Jean sa kanilang mga baguhan sa showbiz. “Pero si Miss Jean, nagbibigay siya ng tips kaya at the same time talagang mas gusto ko na maka-eksena pa siya, para mas matuto pa ako lalo,” aniya.