TV

Barbie Forteza inaming malaki na ang pinagbago ni Andre Paras

By AL KENDRICK NOGUERA

PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com 

Bago pa mag-umpisa ang The Half Sisters, inamin ni Kapuso actor Andre Paras na maaaring ma-intimidate siya sa kanyang Afternoon Prime co-stars na sina Barbie Forteza, Thea Tolentino, and Derrick Monasterio.

Sa pictorial ng Afternoon Prime soap namin tinanong si Andre noon kung sinong artista ang tingin niyang kakabahan siya kapag nakaeksena na niya. “I guess para sa 'kin, it's going to be Barbie, Thea, and Derrick. 'Yung mga ka-age ko po,” bahagi ng aktor.

Bakit kaya? “Kasi I know they're in this business for a long time na rin and they are more experienced and ako bago lang. I get nervous lang kasi. I've seen them act and ang gagaling po nila and they're also down to earth,” pahayag ni Andre.

Kuwento ni Barbie, nangyari nga ang inaasahan ni Andre. Noong first taping days kasi ng The Half Sisters ay awkward si Andre sa kanila.

Pero ngayong ilang buwan nang kasama nina Barbie si Andre, malaki na raw ang pinagbago ng aktor.

“Masaya. Hindi na siya takot maging awkward na kasama kami,” sagot ni Barbie nang kumustahin namin si Andre sa kanya.

Kuwento pa ni Barbie, hindi na raw nahihiya si Andre sa kanila tulad ng dati. “Kasi si Andre, basta 'pag awkward silence na lahat, bigla-bigla siyang tatawa. Bigla-bigla siyang nagsasayaw nang awkward. Basta mayroon siyang mga ganoon, na parang normal na lang sa kanya, sign na hindi na siya nahihiya sa amin,” saad niya.

Dagdag pa niya, “Nakakatuwa naman kasi hindi na siya ganoong kahirap i-approach.”