TV

Happy 100 days to 'The Half Sisters'

By AL KENDRICK NOGUERA

Today marks the 100th episode of the Afternoon Prime soap The Half Sisters. At dahil diyan, iisa-isahin natin ang malaking pagbabago ng characters ng top-rating drama mula nang magsimula ito noong June 9.

Diana (Barbie Forteza)



Nagsimula ang istorya na lagi na lang inaapi si Diana ng kapatid niyang si Ashley. Bukod pa rito, itinago sa kanya ni Alfred ang katotohanang anak siya ni Benjie. Pero ngayon, malaki na ang ipinagbago ni Diana dahil lumalaban na siya sa kapatid lalo na ngayong alam na niyang siya ang tunay na anak ni Benjie.

Ashley (Thea Tolentino)



Labis kung apihin ni Ashley si Diana noon dahil alam niyang hindi siya nito gagantihan. Kahit nga sa ina niyang si Rina ay galit siya dahil si Diana lagi ang kinakampihan nito. Nagpanggap siyang tunay na anak ni Benjie pero nang lumabas na ang katotohanan, tila bumaliktad ang kanyang mundo dahil nasa ibabaw na niya ngayon si Diana.

Rina (Jean Garcia)



Malaki ang ipinagbago ng buhay ni Rina nang mabulag siya dahil sa isang aksidente. Mula noon ay naramdaman na niyang hindi na siya mahal ni Alfred dahil lagi siya nitong sinasaktan. Nagawa pa nga ng asawang mag-uwi ng ibang babae sa kanilang bahay habang naroon siya. Pero ngayon, inamin na niya kay Benjie ang ginagawang kahayupan sa kanya ni Alfred kaya’t nasa mansyon na si Rina ng mga Valdicaña.

Benjie (Jomari Yllana)



Mula sa pagiging preso, iniisa-isa na ni Benjie ang pagbawi niya sa mga pinagkakautangan niya. Noong una ay nalinlang siya nina Alfred at Ashley. Pinalabas ng dalawa na hindi si Diana ang kanyang tunay na anak kaya’t lahat ay ibinibigay niya kay Ashley. Pero nang malaman niya ang katotohanan, nagalit siya kay Ashley at ibinaling na kay Diana ang lahat ng kanyang atensyon. Bumabawi na rin siya ngayon sa mga kasalanan niya kay Rina.

Alfred (Ryan Eigenmann)



Ang dating mapagmahal na asawa ni Rina ay naging demonyo na. Nang malugi ang kanilang kumpanya, lahat na yata ng masasamang gawain ay ginawa na ni Alfred. Isa na rito ang paggamit kay Ashley para mapalapit kay Benjie at mahuthutan ito ng pera. Ngayong alam na ni Benjie ang tunay na kulay ni Alfred, nasira na ang mga plano niya.

Marami pang pagbabago ang magaganap sa kuwento ng The Half Sisters kaya huwag kayong bibitiw. Subaybayan ito sa GMA Afternoon Prime.