TV

“Kahit maghubad ako sa harap niya (Barbie Forteza), okay lang” – Derrick Monasterio

By AL KENDRICK NOGUERA
 PHOTO BY BOCHIC ESTRADA, GMANetwork.com

Dahil sa napakataas na ratings ng The Half Sisters, nagpapasalamat si Kapuso actor Derrick Monasterio sa mga tumatangkilik sa number one Afternoon Prime soap.

Kuwento ni Derrick, hindi raw niya inaasahang magtatagal ang The Half Sisters.

“Siyempre masaya ako kasi originally dapat four months lang kami. Hanggang ngayon umeere pa rin so imagine parang nakadalawang show na rin ako,” saad niya.

Kumpara daw sa previous shows ni Derrick, sa The Half Sisters niya raw mas naramdaman ang suporta ng kanyang fans. Aniya, “Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga sumusuporta kasi ito 'yung show ko na tumagal. Nakakataba ng puso.”

Isa pa sa ipinagpapasalamat ni Derrick ang loyalty ng fans nila ni Barbie Forteza. Hindi raw kasi sila iniwan ng DerBie mula pa noong una silang nagtambal.

“Actually simula pa lang na nag-loveteam kami ni Barbie, sobrang dami nang tumangkilik sa amin. Pero itong The Half Sisters, iba 'yung suportang ipinakita nila sa amin,” pahayag ni Derrick.

Sa tingin ni Derrick, lalong dumami ang DerBie dahil sa The Half Sisters. “Siguro nahuli namin 'yung kiliti ng tao and sobrang nabaguhan sila sa istorya. Malaking factor 'yung story,” anang teen star.

Pero kung tatanungin, gaano nga ba ka-close sina Derrick at Barbie?

“Graduate na kami sa kilig-kilig. Para na kaming magkapatid kasi super alam na namin kung ano 'yung makaka-hurt sa isa't isa at ano 'yung makakapagpasaya,” sagot ni Derrick.

Dagdag pa niya, “Hindi na kami nahihiya sa isa’t isa. Siguro kahit maghubad ako sa harap niya okay lang.”