TV

Rocco Nacino, nagbigay ng tips para iwas scam

By Kristian Eric Javier

Aminado ang The Missing Husband star na si Rocco Nacino na marami pang haharaping problema ang kanyang karakter na si Anton, kabilang ang sa pagitan nila ng asawa niyang si Millie (Yasmien Kurdi). Dahil dito, nagbigay ng ilang tips ang aktor para maiwasan ng mga Kapuso na ma-scam.

Sa interview ni Rocco sa GMA Regional TV morning show na Early Edition noong September 22, ikinuwento ng aktor na matapos ang problema na kinaharap ni Anton sa pamilya at sa mga kaibigan nilang na-scam din, sa kaniyang asawa naman siya magkakaproblema.

“Sunod-sunod na ang mga problema na hinaharap ni Anton. Andami niyang pinagdadaanan ngayon. Ngayon, problema sa kanilang mag-asawa naman,” sabi nito.

Dagdag ng aktor, “Minsan, pagka may problema tayo at talagang pinag-aawayan niyo ng matagal na, minsan umaabot tayo sa tinatawag na boiling point.”

SAMANTALA, KILALANIN ANG CAST NG 'THE MISSING HUSBAND' DITO:

Dahil ang mga karakter nilang sina Millie at Anton ay nabiktima ng isang investment scam sa The Missing Husband, nagbigay ng ilang tips si Rocco sa mga Kapuso, lalo na sa Global Pinoys at OFWs, para maiwasan ito.

Isa sa tips na binigay ni Rocco, “Mag-iingat tayo sa mga sinasabing 'too good to be true (na investments).'”

Ngunit nilinaw din ng aktor na hindi ibig-sabihin ay hindi na magtitiwala sa mga kaibigan at kakilala na nag-aalok ng negosyo o investment.

“Importante na may kontrata, importante na ingatan niyo 'yung pera niyo kasi hard-earned money niyo 'yan, so ang makikinabang diyan ay 'yung gumagawa ng masama,” sabi nito.

Dagdag pa nito, “Dahil para sa pamilya niyo 'yan, para sa inyo 'yan, always have a back-up plan, 'wag lang ilagay sa isang account, ilagay sa multiple accounts para sure na may back-up plan kayo kung sakali may mangyari sa inyo.”

Pinag-iingat din ng aktor ang mga Global Pinoys sa pagpapadala ng pera sa mga kamag-anak nila sa Pilipinas, at sinabing siguraduhin na tama ang account number na pinapadalhan nila.

Pagpapa-alala ng aktor, “Basta pagdating sa pera, dobleng ingat tayo.”

Panoorin ang buong interview ni Rocco sa Early Edition dito: