
Fresh mula sa Pagtatag World Tour sa Amerika ng kanyang kinabibilangang grupo na SB19, balik-bansa na si Stellpara sa kanyang duty bilang isa sa coach ng trending at pinag-uusapang The Voice Generations ng GMA.
Sa nagdaang first two episodes ng nasabing singing competition, nasaksihan na ang agawan ng talents ng coaches na sina Stell, Billy Crawford, Julie Anne San Jose at Chito Miranda sa blind auditions.
Si Stell, bagamat pinakabata sa hanay ng coaches, ay ang sinasabing pinaka-makulit at mapang-asar na coach.
Aminado naman ang P-pop artist na talagang alaskador siya sa totoong buhay, pero ngayon ay ginagawa niya itong strategy para makapanligaw ng talents.
Kuwento niya sa “Chika Minute” report ni Cata Tibayan sa 24 Oras, “Kapag nararamdaman kong gustong-gusto ng other coaches 'yung artists o talents na nasa harap, ita-try ko rin i-steal.
“Syempre kapag may nakita silang something, dapat makita ko rin 'yung something na 'yun sa artists na inikutan nila.”
Sa ngayon, may dalawang grupo na ng talents ang team ni Stell na Stellbound. Ito ay ang Vocalmyx at FORTEnors.
Tumutok naman sa The Voice Generations, tuwing Linggo, 7:00 p.m. pagkatapos ng Bubble Gang.