TV

Billy Crawford, grateful sa pagbabalik sa GMA via 'The Wall Philippines'

By Jimboy Napoles

Matapos ang halos dalawang dekada, muling mapapanood ang award-winning TV host na si Billy Crawford sa GMA Network bilang host ng life-changing game show na The Wall Philippines ngayong Agosto.

Huling napanood si Billy sa GMA taong 2007 sa kanyang sariling programa na Move! The Billy Crawford's Search For Pinoy Dancers.

Sa isang eksklusibong panayam ng GMANetwork.com kay Billy, ibinahagi niya ang kanyang naramdaman nang muli siyang makapasok sa GMA na minsan niyang naging tahanan kasama ang kanyang ama-amahan at yumaong star builder na si German Moreno o mas kilala bilang si Kuya Germs.

Kuwento niya, "Napakalaking biyaya, napakalaking blessing ang dumating para sa The Wall Philippines and specially para sa akin kasi para akong bumalik sa lumang bahay ko 'yun 'yung pakiramdam."

Dagdag pa niya, "Kagulat-gulat, hindi kapani-paniwala na may mga ganitong kaganapan na mangyayari pero apart from 'yun 'yung initial reaction [ko] ay mas na-excite ako."

Pagbabahagi pa ni Billy, agad niyang tinanggap ang pagiging host ng nasabing game show nang malaman na sa GMA na ito ipapalabas.

Aniya, "Yes agad. Una sa lahat boss ko kasi si Boss Vic [Vic del Rosario Jr.] so kung anong sabihin niya, 'yun ang gagawin ko 'di ba?"

"But 'yun naman ang request ko e, kung saan ako mapadpad ng trabaho e, doon ako pupunta kaya nung nakuha ng GMA at ng Viva ang The Wall Philippines at ni-retain pa rin ako as host, napakalaking karangalan for me," dagdag pa niya.

Ngayong Agosto, nakatakdang mapanood ang The Wall Philippines kung saan makakasama ni Billy ang iba't ibang celebrity tandem na magiging players tuwing Linggo, highlight ang state-of-the-art 40-foot wall.

Bisitahin lang ang GMANetwork.com para sa updates sa The Wall Philippines.