TV

Billy Crawford, binisita ang dating opisina ni Kuya Germs sa GMA Network

By Jimboy Napoles

Bago ang nalalapit na pagpapalabas ng The Wall Philippines sa GMA Network, bumisita ang host nito na si Billy Crawford sa opisina ng dating ama-amahan at yumaong star builder na si German Moreno o mas kilala bilang Kuya Germs sa nasabing TV network.

Sa kanyang pagbisita ay nagbigay-galang si Billy sa mga dating katrabaho ni Kuya Germs, na nagmahal sa kanya at patuloy na iniingatan ang mga gamit at dating memorabilya ng kanyang ama-amahan. Kabilang na rito ang mga tropeyo nito at ang kanyang iconic sequin vest na nakalagay pa ngayon sa isang vitrine.

Dito ay nagkaroon din ng pagkakataon na magkausap si Billy at si GMA First Vice President for Program Management Joey Abacan.

Sa eksklusibong panayam ng GMANetwork.com, ikinuwento ni Billy ang kanyang naramdaman sa muling pagpasok sa GMA pagkatapos ng halos dalawang dekada.

Aniya, "Nakakataba ng puso at nakakalungkot in the same sense kasi nakita ko rin 'yung sa staff ni Kuya Germs before, and even sa bosses dito sa GMA, ay nung nakausap ko they were still teary-eyed. Maluha-luha pa rin because when you are there sa presence ni Kuya Germs kasi, lahat ng generosity, lahat ng puso, lahat ng aral sa tarabahong ito ay matutunan mo kasi isang malaking [personalidad] ang nawala nung nawala si Kuya Germs."

Dagdag pa niya, "So, nakakaiyak and nakakalungkot kasi na-realize ko rin na, eto, this is the first time in 20 years. Well, actually, this is the first time na tumapak ako sa GMA nang wala physically si Kuya Germs."

"Lagi 'yan kung mag-guest man ako dito or kahit hindi ako guest, magmi-meet kami, si Kuya Germs ay nandito, may opisina siya, nandito siya palagi even mag-SOP ako or The Move or whatnot basta may guesting ako dito mismo sa GMA, nandito si Kuya Germs--and ito 'yung first time na wala siya physically, so it was a different experience," pagpapatuloy ni Billy.

Natutuwa rin si Billy na pagkatapos ng maraming taon ay buhay pa rin ang presensya ni Kuya Germs sa GMA Network.

Aniya, "Doon ko na-realize sa taas, 'Teka, oo nga 'no, wala kong tatay na escort dito ngayon.' So, it was an eye-opener pero nakakaaliw lang na nandoon pa rin 'yung sequin vest niya 'tsaka 'yung jacket niya. So, parang hindi pa rin nawawala yung presence ni Kuya Germs dito, 'yung spirit niya talaga 'yung kasiyahan niya, at 'yung mga payo niya."


Ngayong Agosto, nakatakdang mapanood sa GMA ang The Wall Philippines, kung saan makakasama ni Billy ang iba't ibang celebrity tandem na magiging players tuwing Linggo, highlight ang state-of-the-art 40-foot wall.

Bisitahin lang ang GMANetwork.com para sa updates sa The Wall Philippines.

SAMANTALA, BALIKAN ANG MGA NAGING KONTRIBUSYON NI KUYA GERMS SA ENTERTAINMENT INDUSTRY SA GALLERY NA ITO: