
Matapos ang halos dalawang dekada, muli nang napanood ang multi-talented artist na si Billy Crawford sa GMA Network bilang host ng pinakabagong game show ang The Wall Philippines nitong Linggo, August 28.
Matagumpay ang naging pilot episode ng nasabing game show kung saan buena manong naglaro ang rumored reel-to-real couple at What We Could Be stars na sina Miguel Tanfelix at Ysabel Ortega na nag-uwi pa ng halos P2 milyon.
Samantala, sa isang panayam ng GMANetwork.com kay Billy, isa sa mga napag-usapan ay ang ibang mga posibleng proyekto na puwede niyang gawin sa GMA ngayon na siya ay nagbabalik Kapuso, kabilang sa mga ito ay ang acting project.
Bagamat hindi direktang humindi si Billy ay ito ang kaniyang naging pahayag, "I don't mind, wala akong problema diyan, I have no problem at all pero for me mas gugustuhin kong ibigay na lang ang acting sa asawa ko kasi 'yun yung puso niya e, nandoon sa acting. Ako I prefer to actually perform kaya singing, dancing, or even hosting kasi its like performing na rin kahit papaano."
Paliwanag pa ni Billy, "Sa acting kasi huhugot ka pa ng emosyon, huhukay ka pa kung sinong patay, bubuhayin mo tapos papatayin mo ulit, so ayoko na ng stress na ganun. Kung comedy okay lang, sitcom walang problema, pero kapag drama or something like that medyo, mapapaisip na rin ako na parang 'teka lang, wait lang a hindi ako John Lloyd e.'"
Huling umarte si Billy sa comedy film na Moron 5.2 The Transformation taong 2015.
Panoorin naman ang The Wall Philippines kasama si Billy tuwing Linggo, 3:35 ng hapon sa GMA.
SILIPIN NAMAN ANG MASAYANG PAMILYA NI BILLY AT NG KANYANG ASAWA NA SI COLEEN GARCIA SA GALLERY NA ITO: