TV

Tanghalan ng Kampeon, mapapanood sa 'TiktoClock' simula February 12

By Maine Aquino

Mapapanood na sa TiktoClock ang pagbabalik ng tinututukang singing contest ng bansa, ang "Tanghalan ng Kampeon".

Ngayong Lunes (February 5), inanunsyo nang sa TiktoClock mapapanood ang "Tanghalan ng Kampeon" at ito ay magsisimula na sa darating na February 12.

Ang hosts ng sikat na singing competition noong '80s ay sina Bert "Tawa" Marcelo at Pilita Corrales. Sa "Tanghalan ng Kampeon" ng TiktoClock, ang gaganap naman na hosts ay sina Kuya Kim Atienza at Pokwang.

Matatandaan namang nagsimula sa "Tanghalan ng Kampeon" ang isa sa mga champion sa kantahan na si Kyla.

Saad ni Kuya Kim Atienza, "Ngayon magsisimula ang pagbibilang ng araw papunta sa pinakaaabangang pagbabalik ng minahal nating Kapuso singing contest dito sa TiktoClock."

Pagpapatuloy naman ni Pokwang, malapit na ang pagkilala sa world class singers na sasali sa "Tanghalan ng Kampeon".

"Magbubukas na ang tanghalang kikilala sa mga world class singers ng bansa. Ito ang 'Tanghalan ng Kampeon'."

Nakasama sa pag-announce ng "Tanghalan ng Kampeon" ang mga mahuhusay na Kapuso performers na sina Vianna Ricafranca, John Rex, at Hannah Precillas.

Abangan ang nalalapit na pagsisimula ng "Tanghalan ng Kampeon" sa February 12 sa TiktoClock!