TV

MC Mateo, nagbago ang buhay dahil sa 'Tanghalan ng Kampeon'

By Maine Aquino

Inilahad ni MC Mateo na hindi niya inaasahan ang pagkakapanalo bilang grand finalist ng 'Tanghalan ng Kampeon' sa TiktoClock.

Si MC ay ang ikalawang grand finalist sa Tanghalan ng Kampeon. Nakapasok si MC sa grand finals ng Tanghalan ng Kampeon noong March 8.

Ikinuwento ni MC sa exclusive interview sa GMANetwork.com na dati siyang hindi pinapalad sa mga singing contests.

PHOTO SOURCE: @missmcmateo

"Up until now hindi pa rin po ako makapaniwala na nakapasok po ako ng Tanghalan ng Kampeon. Sobrang unexpected po kasi."


Paliwanag ni MC, kahit sa barangay singing contests na mga sinalihan noon ay hindi raw siya nananalo at nasanay na siya rito. Ngayong grand finalists na siya ng Tanghalan ng Kampeon, hindi pa rin siya makapaniwala.

"Bilang kontesera, madalas po akong hindi pinapalad sa barangay singing contests. Kaya siguro hanggang sa nasanay na lang po siguro ako. Hanggang ngayon po hindi pa rin po nagsi-sink in sa akin lahat."

Dugtong pa niya ang pasasalamat sa Panginoon dahil sa paggabay sa kaniya, "I am very very thankful to God kasi sobra pa po 'yung naibigay niya sa akin. Sobra pa po sa kahilingan ko 'yung ibinigay po sa akin. Wala po talagang imposible pagdating sa kaniya."

Inilahad naman ni MC kung paano nagbago ang buhay niya dahil sa Tanghalan ng Kampeon.


Kuwento ng aspiring singer, "Sobrang laki ng nagbago sa buhay ko. Ang pinaka-goal ko po kasi ay makatulong kila Mama. And 'yun 'yung pinakamalaking bagay para sa akin. Dumadami po 'yung mga taong sumusuporta sa akin, at mas lalo pong na-boost 'yung confidence ko para sa pangarap ko."

Para kay MC, naging daan ang Tanghalan ng Kampeon hindi lamang para maniwala siya sa kaniyang sarili kung hindi para rin matupad ang matagal na niyang pinapangarap.

"Itong Tanghalan ng Kampeon po ang naging daan para ilaban ko po 'yung pangarap ko and maniwala po ulit sa sarili ko na kaya ko pa pala."

Tutukan ang laban para sa pangarap sa "Tanghalan ng Kampeon" sa TiktoClock, Lunes hanggang Biyernes, 11:00 a.m. sa GMA Network at GTV.

Maaari ring abangan ang TiktoClock sa YouTube via Kapuso Stream at sa TiktoClock Facebook page.