
Inamin ni Kuya Kim Atienza na personal siyang nagpaalam sa Mars Pa More co-hosts na sina Camille Prats at Iya Villania na magiging parte siya ng bagong variety show ng GMA na TiktoClock.
Si Kuya Kim ay makakasama sina Pokwang at Rabiya sa one-of-a-kind variety show na TiktoClock simula ngayong July 25.
Kamakailan lang ay nagpaalam na sa GMA Network ang Mars Pa More pagkatapos ng 10 taon sa telebisyon.
Photo source: Mars Pa More
Kuwento ni Kuya Kim sa ginanap na online media conference ng TiktoClock ngayong July 12, personal niyang sinabi kina Camille at Iya ang bagong project niya sa GMA.
Ayon kay Kuya Kim, una niyang inakala na sa pagtatapos ng Mars Pa More ay wala na rin siyang gagawing kasunod na project. Laking gulat ng Kapuso host na sa parehong araw na i-announce ang pagtatapos ng Mars Pa More ay natanggap niya ang balita na magho-host siya ng TiktoClock.
"Akala ko tapos na rin ako wala na rin 'yung Mars Pa More kasama ako," saad ni Kuya Kim.
"Management told me on the same day, Kim, doon sa bagong show kasama ka. Nagulat ako uy kasama pala ako doon akala ko wala na 'yung Mars Pa More wala na ako. Kasama pala ako."
Agad daw na nagdesisyon si Kuya Kim na ibahagi kina Camille at Iya ang balitang ito.
Ani Kuya Kim, "Sinabi ko kaagad sa kanila, alam nila agad, on the same day."
"Sabi ko it's my duty now, it's my responsibility to tell Cams and to tell Iya first and foremost. Bago pa makaabot sa kanila galing sa iba na kasama ako sa TiktoClock. Kailangan sa akin manggaling 'yun."
Inamin naman ni Kuya Kim na naging masaya sina Camille at Iya sa kaniyang bagong project sa GMA.
Kuwento niya sa entertainment press, malungkot man sila na nagtapos na ang Mars Pa More ay ramdam niya ang suporta nina Camille at Iya na magho-host siya ng TiktoClock. "Mabait 'yung dalawang 'yun e. They are so happy. We pray for you, we hope that you will succeed."
Dagdag pa niya, "Malungkot kaming tatlo na nawala na 'yung Mars Pa More kasi that show has been on air for 10 years e. Pero 'yung sincerity nila sa pagsabi na happy sila para sa akin, napakatotoong tao nung dalawang 'yun."
Abangan si Kuya Kim, Pokwang at Rabiya sa TiktoClock simula ngayong July 25, 11:15 a.m. bago mag-Eat Bulaga.